Kabiyak ko, nakiapid sa aking pinsan

Dear Dr. Love,
Isa pong masaganang pangungumusta at sana sa sandaling tanggapin ninyo ang aking liham kayo ay nasa mabuting kalagayan.

Ako po ay isang bilanggo sa isang pagkakasalang hindi ko ginawa at nahatulan akong makulong nang mula 10 hanggang 17 taon.

Pebrero 19, 1995 noon. Isang umaga sa aking paggising, may nakita akong bangkay sa loob ng aming bakuran. Mabilis akong bumaba at nagtawag ng mga kapitbahay para tulungan akong magtawag din ng mga kamag-anak namin. Laking gulat ko nang ako ang lumabas na siya umanong pumatay sa taong iyon.

Mabilis ang mga pangyayari. Dinampot kaagad ako ng mga pulis at dinala sa presinto. Nilitis ang kaso at para akong pinagbagsakan ng langit nang ibaba ang desisyong pagkabilanggo.

Halos hindi ko matanggap na ganito ang kinasadlakan ng buhay ko.

Tanging ang mga magulang ko at asawa ang siyang naging karamay ko. Tuwing akinse at katapusan ng buwan ang kanilang dalaw sa akin.

Anim na taon pa lang akong namamalagi sa piitan, may mas matindi pa palang dagok na darating sa aking buhay.

Dumating sa akin ang balita mula sa aking mga magulang na mahigit na isang taon na palang nakikisama ang aking asawa sa pinsan kong buo.

Sa pamamagitan ng kasunduan ng aming mga magulang ang pinag-ugatan ng aming pagpapakasal. Mula pagkabata ay ipinagkasundo na ako ng aking mga magulang sa isang babaeng kababata ko rin.

Labag man noon sa kalooban ko ay nagpakasal kami at ito naman ay hindi ko na pinagsisihan dahil sa natutuhan na rin naming ibigin ang isa’t isa. Naging masaya naman ang aming pagsasama.

Ang problema ko sa aking kabiyak ang isa sa mga dahilan ng aking pagliham sa inyo upang humingi ng inyong payo. Ano ang nararapat kong gawin? Malapit na kasi akong lumaya. Ang isa pang dahilan, nais kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para magsilbing inspirasyon sa buhay habang hinihintay ko ang paglaya.

Salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham na ito at sana’y lumaganap pa ang pitak ninyong ito.

Gumagalang,
All Torres

c/o Pastor Jonathan Anfeza
NBP Ministries
P.O. Box 213 PPC
Palawan 5301


Dear All,
Maraming salamat sa liham mo at hangad din ng pitak na ito ang patuloy mong pagtahak sa landas ng kabutihan para sa lalong ikadadali ng iyong paglaya.

Hindi ko nais na talakayin ang ukol sa naging kaso mo dahil ito ay isang suliraning legal pero ang gusto kong ipayo sa iyo ay ang problema mo sa iyong asawa na nakisama sa iyong pinsan.

Maaaring hindi na nakatiis ang kabiyak mo sa tagal ng pananatili mo sa bilangguan. Maaari ring sa pinsan mo natutuhan niyang tumibok ang puso dahil nasabi mo nga na nakasal kayo nang dahil lang sa kasunduan ng inyong mga magulang.

Ang hindi nga lang maganda, kinatalo ka pa ng isang kamag-anak.

Ang masasabi natin, ipagpasa-Diyos mo lang ang pagtataksil sa iyo ng asawa mo.

Huwag mo nang dagdagan pa ang problema mo. Baka sa halip na madali ang paglaya mo, tumagal ka pa ng pananatili diyan kung iinitan mo ang ulo.

Ipagpasalamat mo lang na habang maaga ay nakilala mo ang tunay na kara ng iyong asawa at gayundin ng mga kamag-anak mo.

Patawarin mo na lang sila. Sana’y magawa mo ito nang mahinahon at makikita mo, na ang pagpapatawad ang kalayaan ng puso mo at isipan.

Hangad namin ang iyong kaligayahan.
Dr. Love

Show comments