Bago po ang lahat, binabati ko ang lahat na mga tagasubaybay nitong PSN at lalung-lalo na po sa inyo Dr. Love at mga bumubuo ng PSN editorial staff.
Ako po ay isang bilanggo at wala akong libangan kundi ang magbasa ng inyong pahayagan lalo na ng inyong column. Kaya po nagkaroon ako ng lakas ng loob na sumulat sa inyo para maipaabot ko sa mga mambabasa ang masaklap kong karanasan sa buhay at sana ay magsilbing aral ito sa lahat.
Tawagin na lang po ninyo ako sa pangalang Charlie, tubong Dumaguete City, isinilang noong Marso 24, 1970 at napasok dito sa bilangguan noong Marso 5, 1990.
Malapit na akong mag-15 taon sa kulungan at sa tulong ng Maykapal, nabigyan ng commutation ang hatol sa aking habambuhay na kulong dahil na rin sa ipinakita kong pagsisisi sa kasalanan at pagbabagong-buhay.
Noong nasa laya pa ako, nagsisikap akong mag-aral para makaahon sa hirap. Pero nabigo ako, lalo na ang aking mga magulang na siyang nagtataguyod sa aking pag-aaral.
Hindi ko pinangarap kailanman na makulong at makitil ang mga pangarap sa buhay dahil sa isang iglap na pagdidilim ng kaisipan.
Naglalakad ako noon kasama ang aking classmate nang biglang hinarang kami ng mga istambay. Binuhusan kami ng alak at bigla kaming pinagsasaksak.
Buti na lang at kapwa kami hindi napuruhan. Pareho kaming duguan. Pero wari ay kapwa kami nakalimot at napatay namin ang dalawang istambay. Ang iba naman ay nagsipagtakbuhan.
Dahil sa takot na makulong, nagtago kami ng aking classmate pero habang nagtatagal kami sa pagtatago, pareho kaming nakabilang sa listahan ng mga wanted na tao.
Kaya minabuti naming lumabas na at kusang sumuko sa mga awtoridad.
Nang litisin ang aming kaso, nahatulan kami ng life sentence.
Sa awa at tulong ng Maykapal, ang hatol na ito ay napababa at nalalapit na ang aming paglaya sa Disyembre ng taong ito.
Sa kabila ng pagkakakulong, nagkaroon ako ng pagkakataong maipagpatuloy ang pag-aaral ng kursong Fine Arts.
Sana po mailathala ninyo ang liham na ito at sana ay huwag kaming tularan ng mga kabataan. Sana ang karanasang ito ay kapulutan ng inyong mga mambabasa ng magandang aral.
Hangad ko rin po na makatagpo ng isang babaeng magmamahal sa akin nang tapat. Maraming salamat sa pagbibigay-daan ninyo sa liham na ito at more power. God bless you.
Charlie C. Asentas Jr.
Dorm 4 A-2, BOC,
1776 Muntinlupa City
Dear Charlie,
Maraming ulit nang napatunayan na hindi nasusukat ang pagkalalaki ng isang tao sa pagpatol sa mga lasing at sira ang ulo para lang maipakita na hindi sila puwedeng maliitin.
Malimit na ang biglang silakbo ng galit ay nauuwi sa malaking problema.
Hindi ka nais na sisihin ng pitak na ito sa nangyari dahil alam namin na pinagsisihan mo na ang nangyari at naganap ang insidente sa pagtatanggol sa sarili.
Natutuwa rin ang pitak na ito dahil sa nalalapit na ang paglaya mo. Sana sa pagbabalik mo sa buhay-laya, iwasan mo na ang mga lugar na may mga tambay na ang pagkalalaki ay ipinagyayabang sa pamamagitan ng alak at kung may kasamang ka-grupo.
Hangad namin ang tuluy-tuloy mo nang pagbabago at sana, huwag mong kalimutan ang laging pagtawag sa Panginoon na siyang nakakaalam ng lahat na mabuti para sa atin.
Huwag kang mag-alala, makakatagpo ka rin ng babaeng magmamahal sa iyo nang tapat sa kabila ng naging karanasan mo sa buhay.
Dr. Love