Ikubli mo na lang ako sa pangalang Ellaine, 24-anyos at nakatakdang magpakasal sa aking boyfriend sa Disyembre. Kaya lang, nangangamba ako dahil sa aking madilim na kahapon. Isa po akong disgrasyada. Isang lihim na pinakatatago ko sa mahabang panahon.
Tatlong taon na ang nakalilipas, nagkaroon ako ng mapusok na kasintahan. Hindi ako nakatanggi sa kanyang gusto. Ilang ulit kaming nagkaroon ng pre-marital sex at akoy nabuntis. Ipinalaglag ko ang sanggol sa unang buwan pa lamang nang tumanggi siyang panagutan ang aking dinadala.
Walang nakakaalam ng aking madilim na kahapon. Ang lalaking nakabuntis sa akin ay namatay matapos masaksak sa isang fraternity war. Ang aming lihim ay kasamang nabaon sa kanyang libingan. Kahit pinakamalapit na kaibigan o maging ang sarili kong kaanak ay hindi nalaman ito. Kahit ang boyfriend ko na nakatakda kong pakasalan ay buung-buo ang paniniwalang akoy isa pang virgin.
Nakokonsensya ako dahil mabait ang boyfriend ko at hindi nagdemand ni minsan na kamiy magsiping. Gusto raw niya akong maangkin nang buo sa unang araw ng aming honeymoon.
Natatakot akong ipagtapat ito sa kanya. Ano ang gagawin ko?
Ellaine
Dear Ellaine,
Dapat kang magpakatotoo at ipagtapat ang lahat sa iyong kasintahan. Kung hindi, habambuhay kang mumultuhin ng iyong konsensya sapagkat dinaya mo ang isang lalaking tapat na nagmahal sa iyo.
Ano man ang sirkumstansyang magaganap matapos ang iyong pangungumpisal sa kanya, tanggapin mo nang maluwag sa loob. Iyan ang nararapat at tamang gawin mo. Kung tanggapin ka pa rin niya sa kabila ng iyong karanasan, tapos na ang problema mo at makakatulog ka nang mahimbing sa buong pagsasama ninyo bilang mag-asawa sa hinaharap. Mapapatunayan mo rin ang kadakilaan ng kanyang pag-ibig sa iyo.
Kung itakwil ka niya matapos magsabi nang totoo, charge it to experience and consider it a gain sapagkat napatunayan mong makasarili ang pag-ibig sa iyo ng iyong kasintahan.
Dr. Love
Sumakabilang-buhay kamakailan ang ama nina Ed Abuan at Emy Abuan. Ang anumang tulong na ating maibibigay ay malaking tulong sa mga naiwan ng yumao. Marami pong salamat.