Sana ay abutan ka ng sulat kong ito na nasa mabuting kalusugan. Binabati ko rin ang lahat ng masugid na tagasubaybay ng kolum na ito na maraming natutulungang may problema sa pag-ibig.
Ibilang mo ako sa mga sumasangguni sa iyo dahil sa problema sa pag-ibig. Tawagin mo na lang akong Estong, 32-anyos at binata pa.
Mayroon akong girlfriend. Tawagin mo na lang siyang Analyn, 22-anyos at isang dispatsadora sa isang Mall sa Quezon City. Doon ko siya nakilala habang nagsi-shopping ako. Niligawan ko siya at di-nagtagal ay naging girlfriend ko siya. Mahal na mahal ko siya Dr. Love.
Nakuha ko na rin ang pagkababae ni Analyn. Hindi na siya virgin pero okey lang sa akin. Ang alam koy mahal na mahal ko siya.
May nakapagsabi sa akin na si Analyn ay isang babaeng madaling makuha kaya mag-iingat daw ako. Ayaw kong maniwala.
Pero minsan ay napatunayan ito ng sarili kong mga mata. Nakasakay ako sa isang jeepney nang matrapik kami malapit sa isang motel. Kitang-kita ko nang lumabas sa motel ang isang taxi. Lulan doon si Analyn at isang lalaki. Pareho silang nasa likuran ng sasakyan. Parang sinaksak ang puso ko sa aking nasaksihan. Pinipilit kong papaniwalain ang sarili ko na namalikmata lang ako at hindi si Analyn ang nakita ko kundi kamukha lang niya.
Gusto kong makipag-break kay Analyn pero ayokong mawala siya sa akin. Ano ang gagawin ko?
Estong
Dear Estong,
Ang pag-ibig ay two-way traffic. Mahal mo siya, mahal ka niya. Pero hindi iyan ang nangyayari. Ikaw lang ang nagmamahal. Ikaw ay isa lang sa maraming lalaking bahagi ng buhay ng iyong girlfriend.
Kung ako ikaw, lilimutin ko siya. Ni hindi ako pormal na makikipag-break kundi basta hindi na lang ako magpapakita sa kanyang muli. Obviously, hindi seryoso ang babaeng iyan sa pag-ibig. She doesnt deserve you kaya huwag kang magpakabaliw.
Dr. Love