Im one of your avid readers na pansamantalang nakapiit dito sa Pambansang Piitan sa Muntinlupa. Nais ko po sana na sa pamamagitan ng liham kong ito ay maipaabot sa iba ninyong mga mambabasa ang naging karanasan ko sa pag-ibig. Sana, sa pamamagitan ng liham na ito ay maipabatid ko ang masaklap kong karanasan sa buhay.
Enero 1991, nasa Laguna po ako at kasama ko ang aking girlfriend nang dumalo ako sa isang party. Nag-iinuman kami at masayang nagbabalitaan sa harap ng nobya ko nang may mapansin akong isang tao na laging nakatingin sa kanya. Sinabi ng girlfriend ko na iyon ang ex-boyfriend niya.
Inusisa ko siya kung mayroon pa silang problema at sinabi niyang wala na kaya bumalik uli ako sa inuman ng grupo.
Halos nalasing na ang mga magkakaharap at nagsimula nang mag-iba ang takbo ng usapan. May mga nakaraang naungkat. Bilang isang nobyo, hindi ko naiwasang idepensa sa harapang iyon ang aking kasintahan. Nauwi ito sa pagbubuno namin ng dati niyang boyfriend hanggang sa masaksak ko siya.
Dito ako nakulong. Noong mga unang taon, madalas na dumadalaw sa akin ang aking nobya hanggang sa isang araw, tumanggap ako ng isang liham na nagpapaalam na siya para magpakasal sa iba.
Matagal na panahon bago ako naka-recover sa paghihimutok dahil sa nangyari sa amin. Naging masakit para sa akin ang makulong dahil sa pagtataksil niya sa aming sumpaan. Kaya heto ako ngayon, nagbabakasakali na magkaroon pa uli ng pagkakataon sa buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Ang buo kong pangalan ay Randy delos Santos, 34 years-old at puwede akong sulatan sa Dorm 901, B.O, Muntinlupa City 1776.
Umaasa po ako na mailalathala ninyo ang liham kong ito at maraming salamat sa tulong ninyo.
Randy
Dear Randy,
Huwag mo nang masyadong sisihin ang sarili mo sa nangyari. Dala ito ng kabiglaanan at labis na pagmamahal sa nobya mo.
Sa pagtanggap mo sa masaklap na karanasang ito, marahil, may ibig ipahiwatig sa iyo ang Panginoon.
Ang pagtalikod sa iyo ng iyong kasintahan ay isa lang patunay na marupok talaga ang kanyang paninindigan at hindi niya inalintana na kaya ka ngayon nakakulong ay dahil sa pagtatanggol sa kanya.
Pero ang nangyari ay isa ring pagbibigay-aral sa iyo na kailanman, hindi dapat na pairalin ang init ng ulo.
Sana, matanggap mo na ang pangyayari at matutuhan mong patawarin ang dati mong nobya.
May higit na magandang gantimpala ang Panginoon sa taong marunong tumanggap ng mali at pagsisisi sa kamalian.
Dr. Love