Bulag na pag-ibig

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Lito, 45-anyos at isa nang biyudo. Mayroon akong isang anak na lalaki na iniwan ng yumao kong asawa. Beinte-anyos na siya.

Dalawang taon nang patay ang aking misis at ngayo’y may kasintahan ako. Maganda at batang-bata para sa akin. Beinte-singko anyos lang siya. Ang tanging kapansanan niya ay ang pagiging isang bulag.

Limang taong gulang lang siya nang magkasakit na naging dahilan upang unti-unting panawan ng liwanag ang kanyang mga mata.

Wala ring tutol sa aming relasyon ang kanyang mga magulang na halos kasintanda ko lang. Nakita kasi nila ang aking pagmamahal sa kanilang anak. Kahit siya’y bulag, hindi siya pasanin dahil nakakapagtrabaho siya. Nakakapaglakad din siya sa tulong ng kanyang tungkod. By the way, isa siyang mananahi at kung makikita mo siya’y hindi mo sasabihing bulag.

May mga nagsasabi sa akin na baka maging pasanin sa akin ang aking kasintahan dahil sa kanyang kalagayan. Gusto na naming magpakasal at kahit ang aking anak ay walang tutol.

Ibig ko lang marinig ang opinyon mo. Tama bang pakasalan ko siya?

Lito


Dear Lito,


Kahanga-hanga ang kasintahan mo dahil sa kabila ng kanyang depekto ay para siyang normal kung kumilos. Minsan, mas matalas ang ibang senses ng isang bulag. May nagagawa siyang hindi kayang gawin ng normal na tao.

Kung nagmamahalan kayo, walang problema. By all means, pakasalan mo siya dahil ikaw ang nakababatid kung liligaya ka sa piling niya o hindi.

Dr. Love

Show comments