Sawi sa pag-ibig

Dear Dr. Love,

Bago po ang lahat, binabati ko po kayo at iba pa ninyong kasamahan sa malaganap ninyong pahayagan.

Ako po si Arnel Malaguino, 33-taong gulang at isang bilanggo sa pambansang piitan.

Bago po ako nakulong, namumuhay akong mapayapa sa piling ng aking asawa at dalawang anak. Noong bago pa lang ako dito, linggu-linggo po ay dumadalaw ang aking maybahay. Pero makaraan ang dalawang taon, nagpaalam po siya sa akin at mag-aasawa na raw po siya ng iba.

Masakit man sa loob ko, ipinagkaloob ko sa kanya ang kalayaang hinihingi niya. Tanging ang ibinilin ko po sa kanya ay huwag niyang pababayaan ang aming mga anak.

Taong 2003, may nakilala po ako rito sa piitan na kasama ng asawa ng aking kaibigang nakapiit din dito sa bilangguan. Ang pangalan niya ay si Marilyn. Maputi siya, maganda at higit sa lahat, mabait.

Niligawan ko po siya at pinalad namang ibigin din ni Marilyn.Tinanggap niya ako sa kabila ng aking nakaraan at kalagayan. Madalas niya akong dalawin. Minahal ko siya nang labis at nakita ko naman ang kanyang sakripisyo sa akin.

Ang akala ko, tuluy-tuloy na ang aming relasyon. Pero pagkaraan ng pitong buwan natigil ang pagbisita niya sa akin.

Hanggang sarilininan kong kinausap ang asawa ng aking kaibigan kung bakit hindi na niya kasama sa pagbisita si Marilyn. Nagbalik na raw ito sa kanilang lalawigan sa Masbate.

Sa ikalawang pagkakatoan, dumanas ako ng kasawian sa pag-ibig. Kaya para makalimutan ang aking kabiguan, nais ko pong hingin ang tulong ninyo para magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Sa taong 2006, lalaya na po ako. Sa tingin po kaya ninyo ay magkakaroon pa kaya ako ng pagkakataong umibig at maibig sa kabila ng aking nakaraan?

Marami pong salamat at mabuhay kayo.

Lubos na gumagalang,
Arnel Malaguino
1-B Student Dorm
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776


Dear Arnel,


Huwag kang mawalan ng tiwala sa Panginoon, sa sarili at sa kabutihan ng iyong kapwa.

Sa kabila ng nangyari sa iyong kasawian, tiwala ang pitak na ito na may kaligayahan pang naghihintay sa iyo sa buhay laya kung gugustuhin mo lang na tuluy-tuloy na ang pagbabalik-loob sa Maykapal at lipunan.

Tiyak naman namin na ang buhay sa loob ay nakapagdulot sa iyo ng magandang aral sa buhay. Matuto kang magpaunlad ng sarili para may hanapbuhay na matagpuan pagkaraang mamuhay sa madilim na kulungan.

Tibayan mo ang loob sa mga tukso at sa mga hamon pang darating sa buhay na karaniwang sinasalungat ng mga nakalaya nang bilanggo.

Tiyaga pa, ibayo pang sipag at hindi maglalaon, may kapalarang darating sa buhay mo kasama na ang isang magandang inspirasyon.

Huwag kang mag-alinlangan sa biyaya ng Diyos.

Dr. Love

Show comments