First of all, I want to greet you a pleasant good day and may our Almighty God bless you and all the members of PSN.
Isa po ako sa mga sumusubaybay at sumusuporta sa napakagandang column ninyo dahil na rin sa inyong walang sawang pagbibigay-pansin sa amin, pagbibigay ng payo, tulong at suporta. Tulad din po ng ibang sumusulat sa inyo, isa rin po akong bilanggo dito sa Pambansang Piitan. Ako po ay labis na naniniwala at nagtitiwala sa inyo, na gagaan ang aking pakiramdam at malalampasan ang mga pagsubok na dumarating sa aking buhay. Ito ay dahil na rin sa inyong mga payo na aking labis na inaasam.
Alam naman ng lahat na malawak ang inyong pang-unawa at ang palad ay laging bukas sa amin.
Ako po ay nakulong at nasentensiyahan ng anim hanggang 10 taon sa salang frustrated homicide. Dala po ito ng hindi inaasahang pagkakataon sa buhay.
Taong 1993, kasal noon ng aking pinsan nang maganap ang isang insidenteng hindi ko inaasahan na siyang nakapagpabago ng takbo ng aking buhay.
Pauwi na ako mula sa handaan at siyempre, nakainom ako bukod sa pagkain sa munting salu-salo sa piging ng mga ikinasal.
Bigla na lang mayroong humarang sa aking daraanan at sinuntok ako ng malakas sa mukha.
Nagdilim po ang aking paningin nang bumagsak ako sa lupa. Nang makabawi ako ng lakas, hindi na ako nagdalawang-isip pa at mula sa pagkakalugmok ay dumampot ako ng isang bato at ipinalo ko iyon sa ulo ng taong nanambang sa akin at siya ay nawalan ng malay.
Dito na po nagsimula ang kalbaryo ng aking buhay. Nademanda po ako, nagpiyansa para sa pansamantalang paglaya at buwan-buwan ay nagdaraos ng hearing sa korte. Itinuloy po namin ang laban na inabot ng halos walong taon.
Noong 1998, may nakilala po akong babae at niligawan ko siya. Dahil sa labis kong pagmamahal sa kanya, pinag-aral ko po siya at two years ko siyang sinuportahan.
Nagpasiya kaming magsama noong 2000 at kami ay nabiyayaan ng anak na lalaki. Taong 2001 ako nahatulan at dinala dito sa Muntinlupa.
Dahil malayo sa amin itong piitan, buwanan lang kung dalawin ako ng aking mga mahal sa buhay. Hanggang sa lumipas ang mga taon at nang minsang dumalaw ang aking mga magulang, nagtaka ako dahil hindi kasama ang aking mag-ina.
Kinausap ako ng aking mga magulang at nabatid ko sa kanila na may iba nang kinakasama ang aking asawa.
Siyempre, nalungkot ako dahil may iba nang mahal ang babaeng pinaglalaanan ko ng magandang kinabukasan.
Wala naman akong magawa kundi umiyak na lang. Pero hindi ito dahilan para mawalan ako ng pag-asa. Naisip ko na nawalan man ako ng mag-ina, mayroon pa naman akong mga magulang at kapatid na nagmamahal at sumusuporta sa akin.
Sila ang tumulong sa akin para makilala at mapalapit sa Diyos. Natuto rin akong magsimba linggu-linggo upang lalo akong mapalapit sa Kanya.
Gusto ko po sanang makalimot sa nakaraan pero paano?
Sana, matulungan mo po ako na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat na handang tumanggap sa akin at sa aking nakaraan.
Bago man lang po ako makalaya dito sa Setyembre ng taong ito, sana ay marami na akong maging kaibigan sa panulat at baka dito ko na rin makilala ang babaeng mamahalin at magmamahal sa akin.
Thank you and more power.
Lubos na gumagalang,
Jerome Sangalang
MSC Dorm 226,
Camp Sampaguita,
1776 Muntinlupa City
Dear Jerome,
Salamat sa liham mo at ngayon pa man ay nagpapaabot na kami ng pakikigalak sa nalalapit mong paglaya. Nagpapasalamat ang pitak na ito at nakilala mo ang ating Panginoon at Siya naman ay hindi nagpabaya sa iyo.
Nalampasan mo na ang mga panimulang pagsubok mo sa buhay pero sa sandaling makalaya ka na, sana, dagdagan mo pa ang pananalangin at pagpapakabuti dahil hindi laging madali ang pakikisalamuha mo sa buhay laya at paghanap ng trabaho.
Sana, laging handa ang loob mo sa iba pang balakid sa pagtahak mo sa buhay.
Sa pamamagitan ng liham mo, inaasahan naming marami kang mga sulat na matatanggap at naway matagpuan mo ang hinahanap mong kaligayahan.
Pagkatapos ng unos, mayroong liwanag at ito ay daan na sa pag-ulan ng mga biyayang sasaiyo mula sa Panginoon.
Matutuhan mo lang tanggapin ang mga kahinaan mo at laging pairalin mo ang kahinahunan.
Good luck!
Dr. Love