Ako po si Lorenza at ang problema koy nakakahiyang isangguni kaya hindi ko na ibibigay ang buo kong pangalan.
Singkuwenta anyos na ako at isang biyuda at ang kaisa-isang anak kong babae ay nasa London na at nakapangasawa ng isang Briton.
Limang taon na akong biyuda at nag-iisa sa buhay, nag-iisa sa bahay. Mayroon akong kasintahan na bata sa akin ng limang taon. Tawagin mo na lang siyang Arturo na isa ring biyudo. Ang negosyo ko ay pagtitinda ng baboy sa palengke at si Arturo ang katu-katulong ko. Malakas ang aking negosyo at dahil ditoy nakabili ako ng maraming lupa sa probinsya. Kung minsan, sa bahay na siya natutulog. Sa tabi ko. Mainit pa rin kami kapwa at kung minsan ay nagi-guilty ako dahil labas sa kasal ang aming relasyon.
Okay pa ba kung magpakasal kami? Para kasi akong nahihiya sa mga kapitbahay at kakilala ko dahil baka sabihing kung kailan ako tumanda ay saka pa naglandi.
Ano ang maipapayo mo?
Lorenza
Dear Lorenza,
Mas kahiya-hiya ang ginagawa ninyong pagsisiping nang hindi kasal. Hindi lang sa mata ng tao kundi sa batas ng Diyos. Walang pinipiling edad ang kasal bastat walang hadlang. Lahat ay may karapatang lumigaya.
Pero tiyakin mo muna ang intensyon sa iyo ng boyfriend mo. Baka naman gusto ka lang niya dahil malakas ang negosyo mo.
Kung talagang nagmamahalan kayo at walang hadlang, magpakasal kayo at huwag intindihin ang sasabihin ng kapitbahay.
Dr. Love