Napagpasiyahan ko pong sumulat sa inyo dahil malungkot ang buhay dito sa loob ng bilangguan. Magmula po nang makulong ako apat na taon na ang nakalilipas, hindi na ako nakadanas ng kasiyahan sa buhay dahil malayo ang mga mahal ko sa buhay. Parang wala na silang pagtingin sa akin dahil kahit isang beses, hindi man lang sila nadalaw sa akin.
Homicide ang naging kaso ko at malapit na akong ma-parole.
Sana po, bago man lang ako makalaya, magkaroon ako ng mga kaibigan na tatanggap sa akin sa kabila ng aking nakaraan.
Abala ako ngayon sa mga gawain ng simbahan. Bawat araw ay sumasama ako sa religious movement.
Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral noon dahil sa pagkakahiwalay ko sa aking mga magulang.
Sa ngayon ay 30-anyos na ako.
Para po sa mga nagnanais na makipagkaibigan sa akin sa panulat, maaari nila akong sulatan sa M.S.C., Student Dorm 231, Camp Sampaguita, Muntinlupa City. 1776.
Respectfully yours,
Arnel Sarmiento
Dear Arnel,
Batid namin ang kalungkutang sinasabi mo na nadarama mo mula nang mapasok ka sa pambansang bilangguan.
Kaya naman binuksan namin ang pitak na ito sa mga tulad mo para makapaghatid kami ng bagong pag-asa at tuwa at makatulong din sa pagtalunton ninyo sa bagong landas ng buhay.
Huwag mo nang masyadong paghinanakitan ang mga kamag-anak mo kung hindi ka man nila nadalaw nang mahabang panahon.
Maaaring mayroon silang problemang pinansiyal o kaya ay malayo ang lugar na kinaroroonan mo.
Natutuwa naman ang pitak na ito at naging aktibo ka sa kilusang panrelihiyon na ang ibig sabihin ay pinagsisisihan mo na kung mayroon ka mang nagawang pagkakasala at nais mong magbago na ng landas.
Ipagpatuloy mo ang pagpapakita ng mabuting asal at pagbabago para sa ikadadali ng paglaya mo.
Hangad namin ang iyong kaligayahan at kapayapaan ng damdamin.
Dr. Love