Bunga ng hangal na pag-ibig

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo at sa lahat na mambabasa ng inyong column.

Naglakas-loob po akong sumulat sa inyo para humingi ng tulong at payo sa problema ko. At nawa, mapaunlakan ninyong mailathala itong liham ko para gumaan ang pakiramdam ko at maibahagi sa lahat ang karanasan ko.

Mula pagkabata, wala akong pinangarap kung hindi ang magkaroon ng maayos na buhay. Kaya’t pinagbuti ko noon ang pag-aaral. Naging inspirasyon ko sa buhay ang aking kababatang si Janet. Mula rin pagkabata, kasama ko na siya sa pagbuo ng aming pangarap.

Hanggang dumating ang panahon na hindi na ako kayang pag-aralin ng aking mga magulang sa kolehiyo.

Napilitan akong huminto ng pag-aaral para makatulong sa aking mga magulang sa pagpapaaral ng iba ko namang mga kapatid.

Hindi ko inaasahan na ito ang maging dahilan para unti-unting lumayo at magbago si Janet. Kinausap ko siya at para akong binagsakan ng mundo nang sabihin niya na kalimutan ko na siya dahil hindi ko kayang ibigay sa kanya ang buhay na pangarap niya.

Nasaktan ako pero hindi ako nawalan ng pag-asa. Handa kong gawin ang lahat maibigay ko lang kay Janet ang pangarap niya para hindi siya mawala sa akin.

Nakagawa ako ng bagay na labag sa batas kaya’t narito ako ngayon sa piitan.

Wala na akong balita kay Janet at pinagdurusahan ko ang naging bunga ng aking hangal na pag-ibig. Masakit sa akin ang nangyari at wala akong ibang sinisisi kundi ang sarili ko. Ako at ang hangal kong pag-ibig kay Janet.

Sana po, magkaroon din ako ng maraming kaibigan sa panulat.

Sumasainyo,

Ruel de Manuel


MSC Bldg. 1 Dorm 126,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776


Dear Ruel,


Huwag mo nang sisihin ang sarili sa nangyari. Siguro, niloob ng tadhana na bigyan ka ng magandang aral para mamulat ang mga mata mo sa katotohanan na hindi ka dapat na magpakahangal sa isang babaeng ang mahal lang ay material na bagay.

Bakit hindi mo sikaping makapag-aral kahit nasa loob ng piitan? Kahit ka bilanggo, hindi dapat na masayang ang pagkakataon para maisulong ang pagpapaunlad ng sarili.

Kung may tiyaga, may maaantabayanan kang magandang hinaharap.

Paghandaan mo ang iyong paglaya at kalimutan mo na si Janet. Hindi siya magandang inspirasyon sa buhay.

Dr. Love

Show comments