Isa pong magandang araw sa inyo at sa lahat ng mga kasamahan ninyo sa PSN.
Noong una po, wala akong kabalak-balak na lumiham sa inyo bagaman kinagigiliwan kong basahin ang mga payo ninyo, Dr. Love.
Hindi ko sukat akalain na ako man ay daranas ng hindi magandang biro ng pag-ibig.
Naka-set na ang petsa ng pagpapakasal namin ni Girlie para sa Hunyo ng taong ito. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, bumalik ang dating boyfriend ni Girlie pagkaraan ng matagal na pagkakalayo.
Humingi ng patawad si Girlie sa pakikipagkalas niya ng relasyon sa akin. Natalos daw niyang mahal pa rin niya ang seaman niyang boyfriend at hindi raw magiging makatarungan sa akin na makasal sa kanya kung mayroon siyang ibang minamahal.
Pinatawad ko si Girlie sa kanyang desisyon pero galit sa kanya ang aking pamilya. Naging kahiya-hiya kami sa mga kaibigan at kamag-anak namin na pinagsabihan na bilang ninong at ninang.
Pero hindi ko naman masisi ang dati kong girlfriend dahil hindi ko naman siya mapapatawad kung ang desisyong ito ay gagawin sa sandaling kasal na kami.
Kaya ngayon, balik ako sa dating gawi, nanliligaw pero maingat na sa pagpili ng babaeng pakakasalan.
Mahal ko pa rin si Girlie at hangad ko pa rin ang kanyang kaligayahan sa piling ng bumalik niyang boyfriend.
Salamat po sa pagpapahalaga ninyo sa liham na ito.
Truly yours,
Gani
Dear Gani,
Dakila ang pag-ibig mo kay Girlie at praktikal ang pananaw mo sa buhay.
Talagang sa pag-ibig, hindi mo alam kung magkakatuluyan ang magkasintahan.
Kung minsan, ang mabuway na relasyon ang siyang nagkakatuluyan kung talagang ukol sa isat isa.
Maaaring hindi pa ukol si Girlie at may matatagpuan ka pang iba na mas magmamahal sa iyo nang todo-todo.
Huwag ka lang mainip, mas maganda ang hinaharap mong bukas sa love life.
Dr. Love