Kilalanin mo siyang mabuti

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Ako po si Sylvia. Sana ay mabigyan ninyo ng kasagutan ang mga tanong sa aking puso at isipan.

Nagkakilala po kami sa simbahan ni Carlos. Kinabukasan ay nagkita kami. Ang hindi ko alam ay magkapitbahay lang pala kami. Bagong lipat lang kasi kami. Nagkakuwentuhan kami hanggang sa maging close. Kilala niya ang parents ko at lagi pa niyang binibiro.

Isang araw ay may programang gaganapin sa aming lugar at magkasama kaming dumalo. Ipinakilala niya ako sa kanyang mga barkada. Kausap niya ang kanyang kapatid nang lapitan ako ng isa niyang barkada at habang nag-uusap kami nito ay bigla niya akong hinila at inilayo. Nang tanungin ko kung bakit, ang sabi niya ay nagseselos siya.

Mula noon ay lagi na kaming magkasamang mamasyal. Ikinuwento niya sa akin ang kanyang nakaraan, mga plano sa future at pati mga pangalan ng magiging mga anak niya in the future. Minsan ay hinahawakan niya ang mga kamay ko habang nagsasalita siya.

Madalas kaming nag-aaway dahil lagi siyang nagseselos gayong hindi naman kami mag-on. Minsan ay lagi niya akong pinupuri at marami siyang ginagawa na nakakapagpa-impress sa akin dahil lagi niyang pinararamdam ang respeto at importansiya para sa akin.

Kung titingnan ko ang sitwasyon at mga pangyayari, masasabi kong may gusto siya sa akin. Pero naguguluhan ako kasi kung ngayon ay magkasama kami, bukas ay hindi siya mamamansin tapos sa sumunod na araw, mamamansin na naman. Kapag nadadaan siya sa bahay namin, lagi siyang nakayuko. Bakit kaya? May gusto ba siya sa akin o wala?

Sumasaiyo,

Sylvia


Dear Sylvia,


Mahirap sagutin ang tanong mo. Masyado pang maikli ang panahon ng inyong pagkakakilala kaya manatili muna kayong mabuting magkaibigan hanggang sa makilala mo nang mabuti ang kanyang pagkatao.

Hindi mabuti ang relasyong nabubuo sa isang iglap. Baka sa isang kisap-mata lang ay matapos at iiwanan kang lumuluha.

Panahon lang ang makapagsasabi kung talagang mahal ka niya.

Dr. Love

Show comments