Isa pong taos-pusong pagbati sa inyong lahat at sa popular ninyong column.
Isa po ako sa masusugid na mambabasa ng inyong column at labis po akong humahanga sa mga advice ninyo. Kaya heto po ako at labis na umaasa na matutulungan ninyo ako para magkaroon ako ng malinaw na pag-iisip kung ano ba ang dapat kong gawin.
Ako po ay 28 taong-gulang, single. Mayroon po akong manliligaw. Walong taon ko na po siyang kaibigan at kumpare siya ng aking uncle.
Sabi niya ay mahal daw niya ako pero sa tuwing tinutukso siya sa akin ay dinadaan lang niya sa tawa. Sabi niya, iyon daw ang gusto niya at kapag kaming dalawa na lang ang nag-uusap, seryoso naman siya sa kanyang layunin. Nagtapat siya ng damdamin niya at inalok niya ako ng kasal.
Hindi ko po siya sinagot bagaman matagal na kaming magkaibigan dahil tila kulang pa ang paniniwala ko sa intensiyon niya sa akin. Hindi ko po alam kung bakit.
Sinabi naman niya sa akin at maging sa tito at tita ko na mahal niya ako. Tulungan ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin. Ang alam ko, nahulog na ang aking damdamin para sa kanya.
Gumagalang,
Sweet Girl
Dear Sweet Girl,
Salamat sa liham mo. Sa tingin ko, ang hinahanap mo pa sa Prince Charming mo ay maging romantiko sa panliligaw kung kayat aayaw-ayaw ka pang magbigay ng indikasyon ng iyong damdamin para sa kanya.
May ibat ibang klase ng tao at uri ng panliligaw. Sa edad na 33, maaaring hindi na niya type ang panliligaw na parang teenager na maaari namang siyang hinahanap mo sa kanya.
Ang sabi mo, nahuhulog na ang loob mo sa kanya pero ayaw mo pa siyang sagutin. Aba, iha, hindi ka na bata sa edad na 28. Kung mahal mo siya, sagutin mo na.
Bihira ang lalaking nanliligaw pa lang ay kasal na ang alok sa iyo. Huwag mo nang hanapin na bigyan ka pa ng chocolate at mga roses.
Ibang uri ang panliligaw ng Prince Charming mo. Kung baga sa probinsiya, ang tawag diyan ay matandaan.
Sagutin mo na siya kung talagang mahal mo.
Dr. Love