Multo ng nakaraan

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Sumulat po ako upang ibahagi ang aking karanasan at kung maaari po sana, ako’y inyong pagpayuhan.

Itago na lang po ninyo ako sa pangalang Shy Girl. Noong kabataan ko ay hindi naman ako maganda at hindi rin naman pangit. Pero marami akong manliligaw dahil siguro sa angkin kong talento sa pag-awit.

Nineteen years-old ako nang makilala ko si Boy. Na-love at first sight ako sa kanya. Niligawan niya ako at dahil sa bilis niya, sinagot ko siya agad. Pareho kami noong nakatira lamang sa aming mga kamag-anak at lahat sila’y tutol sa aming relasyon.

Alam kong may dati na siyang girlfriend kaya may pang-aalinlangan din ako sa kanya. May mga pagkakataon ding nasasaktan niya ang damdamin ko at palihim akong lumuluha. Pero sa kabila ng lahat ng ito ay mahal na mahal ko siya. Alam kong marami akong naging pagkukulang sa kanya noon dahil hindi ko nagawang ipadama sa kanya ang tunay na damdaming tinago ko sa aking dibdib.

February 21, 1983, ito ang araw na hindi ko malilimot kailanman. Alas-otso ng gabi noon at maliwanag ang buwan. Nakita siya ng aking kaibigan na tumutulo ang luha habang nag-iimpake ng mga gamit para umuwi sa probinsiya. Dr. Love, hindi ko po alam kung para sa akin ang mga luha niyang iyon o sa kanyang ex-girlfriend.

Nagkaharap kami ng gabing iyon pero hindi kami nag-usap dahil hindi ko nagawang magsalita. Labis-labis na kalungkutan ang nadama ko ng mga sandaling yon at hindi ko mapigilan ang pagluha. Dumating kasi noon ang kanyang tiyo mula sa abroad. Dinaanan siya sa Antipolo upang pauwiin sa Negros Occidental at mag-aral.

Alam kong hindi ako nababagay sa kanya dahil ako’y isang ulila at mahirap lamang. Wala rin marahil sa akin ang mga katangiang hinahanap niya sa isang babae kaya minabuti ko na lamang na tanggapin ang kabiguan.

Nagpaalam sa akin ang first love ko. Mahigpit na yakap at goodbye kiss ang kanyang iniwan bago kami tuluyang nagkalayo.

Napakasakit at napakalungkot kaya pumasok ako noon sa isang maliit na beerhouse bilang serbidora. Naglalasing ako para makalimot kahit sandali. Sinikap kong limutin siya kaya nagpasya akong mag-asawa. Pero para akong baliw dahil hinahanap-hanap ko pa rin siya na para bang kung makikita ko lamang siya ay magiging maligaya na ako.

Sa ngayon ay kapiling ko ang aking asawa at may pito kaming anak. Pero alaala ko pa rin ang mga lumipas.

Dr. Love, paano ko po ba malilimot ang nakaraang ito sa buhay ko?

Shy Girl


Dear Shy Girl,


Mahigit 20 taon na ang lumipas at dapat lang na malimutan mo na ang iyong "first love." Hindi ko alam kung ano ang espesyal sa kanya pero kailangang magpakatotoo ka at harapin ang katotohanang may asawa ka at pitong anak.

Hindi darami nang ganyan ang iyong mga supling kung hindi mo mahal ang iyong asawa. Kaya ibaon mo sa limot ang nagdaan at mabuhay sa kasalukuyan.

Dr. Love

Show comments