Isa pong mapagpalang araw sa inyo. Ikinagagalak kong mapabilang sa libu-libo ninyong mambabasa at tagatangkilik ng inyong column.
Kaya naman po hindi ko pinigil ang sarili ko na lumiham din sa pitak ninyo para naman maibahagi ko ang karanasan ko sa pag-ibig.
Ako po ay legally-separated sa aking dating kabiyak at nagkaroon ng tatlong iba pang mga karelasyon na pawang humantong din sa paghihiwalay.
Ang akala ko noon ay talagang ibinunton na sa akin ang masamang kapalaran. Ang sabi ko noon sa aking sarili, bakit lagi akong iniiwan ng minamahal ko gayong hindi naman ako masamang babae.
Ang sabi ko sa aking sarili, siguro dahil sa sobrang mabait akong tumrato sa minamahal ko kayat minamata at inaapi ako.
Dinasalan ko talaga ang Panginoon noon. Ang sabi ko, hindi naman ako mamamatay nang walang boyfriend o asawa. Tama na ang kamalasang dinanas ko sa mga lalaki. Ginawa nila akong laruan.
Pinagtuunang pansin ko na lamang ang aking anak. Nagtrabaho ako nang husto para umangat ang buhay. Kaya lang, naging mailap na ako sa mga kalalakihan. Hanggang makilala ko ang kasalukuyan kong boyfriend sa internet.
Naghihintay na lang ako ng approval ng mga papeles ko para magtungo sa Germany.
Nagpakasal na kami dito nang bumisita siya noong nakaraang taon.
Isasama ko rin ang anak ko na kanyang in-adopt bilang anak.
Maligaya ako, Dr. Love, at hindi rin pala puro himutok na lang sa buhay ang aanihin ko.
Pinag-aral niya ako ng kanyang wika at gusto rin niyang mag-aral ng wikang Filipino para ganap kaming magkaunawaan.
Hanggang dito na lang po at sa aking mga kabarong may problema sa puso, malulutas din ninyo ito sa tamang panahon.
Lisa
Dear Lisa,
Salamat sa liham mo at natutuwa ang pitak na ito sa magandang kapalarang bumihis sa dati ay malungkot mong karanasan sa pag-ibig.
Sana, magpatuloy ang maganda mong suwerte at ang tiwala mo sa Panginoon na siya mong kinalimutan noong panahong ikaw ay lumuluha.
Lumiham ka uli sa sandaling nasa ibayong dagat ka na para naman masubaybayan ng aming mga mambabasa ang pagbabago sa buhay mo at magsilbi itong inspirasyon sa kanila.
Dr. Love