Isa pong magandang araw sa inyo. Sana po, huwag kayong magsawa sa pagbabasa ng mga liham na ipinadadala sa inyo ng mga tagasubaybay ninyo para humingi ng mahalaga ninyong payo.
Tawagin mo na lang po akong Martha. Isa po akong biyudad sa edad na 40. Ang problema ko po ay tungkol sa aking lover na mas bata sa akin ng 5 taon at mayroon siyang asawa at anak.
Nakilala ko po si Pat sa pagsakay-sakay ko sa kanyang FX biyaheng Quezon City.
Dito nabuo ang aming pagpapalagayang-loob na nauwi sa isang relasyon na noong una ay maganda, pero nauwi sa away at samaan ng loob nang mahalata kong pera lang pala ang hangad niya sa akin.
Para mabigyang laya ang aming damdamin, malimit na hindi na siya nagpapasada at ako naman ang tagabayad ng kanyang boundary kasama na ang extra na pera para sa kanyang panggastos.
Pero nagkaroon din ako ng problema sa pera kung kayat malimit na nagpapalya na siya sa aming pagkikita.
Dito na nagsimula ang aming samaan ng loob hanggang pormal ko nang tinapos ang aming relasyon.
Hindi ako manhid na hindi makahalata ng kanyang pakay sa akin. Hindi naman ako isang palabigasan ng isang lalaking ang gusto lang sa akin ay ang aking pera.
Masama ang loob ko sa aking naging kahinaan. Pero ito ay isang magandang aral sa akin at sa iba pang babaeng nakikipagrelasyon nang hindi muna inaalam ang background ng lalaking dumarating sa kanilang buhay.
Tama lang po ba ang ginawa ko? Iniiyakan ko pa rin ang pangyayaring ito sa aking buhay. Gumagalang,
Martha
Dear Martha,
Salamat sa liham mo. Mabuti naman at habang maaga ay nakilala mong walang maidudulot na mabuti para sa iyo ang pakikipagmabutihan sa isang lalaking ang hangad lang ay ang iyong pera.
Huwag mo nang pag-aksayahan ng luha ang ganyang klaseng lalaki at huwag mo na ring pagsisihan na nagoyo ka.
Namulat ka naman sa katotohanan at iyon ang mahalaga.
Makakakilala ka rin ng lalaking magmamahal sa iyo ng lubos at walang pag-iimbot. Dr. Love