Panawagan ni Nilo kay Bhel-Anna

Dear Dr. Love,

Napalathala na po dati ang sulat ko dito sa inyong malaganap na column at nagpapasalamat po ako sa ginawa ninyong paglalathala ng sulat ko. Ikinuwento ko po doon ang aking buhay sa labas at loob ng kulungan at sa huli ay humingi ng mga kaibigan sa panulat.

May sumulat po sa akin, si Bhel-Anna Perpenosas. Pero hindi ko masagot ang sulat niya dahil ninakaw po ng isang preso ang sulat niya. Nandoon po ang address niya. Sana ay matulungan mo ako, Dr. Love, na mailathala ang liham kong ito para malaman ni Bhel-Anna ang dahilan ng hindi ko pagsulat sa kanya.

Naririto ang mensahe ko sa kanya: "Bhel-Anna, nais kong malaman mo na handa na akong buksan ang puso ko para sa pangalawang pag-ibig. Gusto kong magpasalamat sa iyo kasi dahil sa iyo, iminulat mo ako sa maling pananaw. Nais ko ring magpasalamat sa iyo dahil tinanggap mo ako bilang bahagi ng pamilya mo. Aaminin ko rin sa iyo na minahal na kita.

"Sana ay mabasa mo ang liham na ito at maisipan mong sulatan ako. Alam kong mababasa mo ito dahil araw-araw ay lagi mong inaabangan ang column ni Dr. Love. Alam mo Bhel, lubos akong nagpapasalamat sa inaalok mong tulong sa akin pero ayokong samantalahin ang kabaitan mo sa akin. Hindi ako ang tipo ng taong mandurugas. Aaminin ko sa iyo at kay Dr. Love na nais kitang makita at makasama kahit sandali lang. Sana, kapag may oras ka, ay dalawin mo ako sa Huwebes o Biyernes. Magdala ka ng ID at sedula. Aasahan ko rin ang sinabi mo sa akin na hihintayin mo ang aking paglaya kahit gaano pa katagal. Gusto kong malaman mo na lalaya na ako ngayong taong ito.

"Huwag mo nang itanong sa akin kung ano ang mga pagsubok na dumating sa akin sa loob ng siyam na taon na nandito ako sa loob, walang dalaw at walang tumutustos sa aking mga pangangailangan. Pero dahil sa magaling akong labandero at masahista ay natustusan ko ang mga pangangailangan ko sa loob ng siyam na taon kahit na walang tulong galing sa pamilya ko. Nais kong malaman mo na mula nang dumating ka sa buhay ko ay naging masaya na ako at muling nagkaroon ng pag-asa na balang araw ay matatagpuan ko ang babaeng tatanggapin ako at mamahalin habang panahon. Pero paano ba kita makikita o masusulatan e hindi ko alam kung nasaan ka?"

Sana sa pamamagitan ng kolum mo Dr. Love ay magkaroon kami ni Bhel ng komunikasyon. Marami pong salamat. Truly yours,
Nilo C. Castillo
Bldg. 2, Runner Dormitory 237,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776


Dear Nilo,


Sana ay mabasa ni Bhel-Anna ang sulat mo para muli kayong magkaroon ng ugnayan. Buong-buo kong inilathala ang sulat mo para malaman niya ang iyong saloobin.

Nagpapasalamat din ako at nakatutulong ang column na ito sa mga taong tulad mo at sa iba pa na nangangailangan ng tulong.

Good luck.

Dr. Love

Show comments