^

Dr. Love

Himutok ng isang bilanggo sa kanyang pamilya

-
Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo gayundin ang lahat ng staff ng pahayagang ito.

Isa po akong bilanggo sa pambansang piitan. Nahatulan akong makulong nang 14 taon dahil sa salang pagpatay. Gusto ko pong ibahagi sa inyo ang naging buhay ko at karanasan sa pag-ibig.

Ako po si Emmanuel Manalo, 30 years-old. Hindi po ako nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan. Eleven years na po akong nakakulong at sa loob ng panahong ito ay ni hindi ako dinalaw ng pamilya ko.

Walang araw na hindi ko hinanap ang pagmamahal at kalinga ng isang magulang. Pero kahit na hindi nila ako dinadalaw, hindi nawala ang pagmamahal ko sa kanila dahil kung hindi dahil sa kanila ay wala ako sa mundong aking ginagalawan ngayon. Utang ko sa kanila ang buhay ko pero ang tanong ko lang ay bakit nila ako pinabayaan? Hindi naman ako naging masamang anak sa kanila. Hindi ko rin sila sinisisi kung bakit hindi nila ako nadadalaw kasi ako rin ang gumawa ng sarili kong kapalaran.

Ang pinakamasakit sa akin, Dr. Love, ay nang iwan ako ng aking asawa at sumama sa aking matalik na kaibigan. Niloko nila ako. Buong buhay ko ay ibinuhos ko sa kanya. Kinalimutan ko na nga ang aking sarili nang dahil sa kanya.

Sa kabila ng ginawa niya sa akin, pinatawad ko na siya at naisip kong tama ang kanyang naging desisyon sa buhay dahil hindi ko na maibibigay ang kaligayahan at karangyaang kanyang hinahanap. Ayoko ring maging pabigat sa kanila kaya nagparaya na lamang ako sa kanilang naging desisyon. Masakit man ang nangyari ay kailangan kong maging matatag para malampasan ko ang mga bagyong dumating sa buhay ko.

Dito sa kulungan ay natutunan ko ang lahat ng mga bagay na hindi ko natutunan sa malayang lipunan. Una ay ang magkaroon ng tiwala sa Panginoon, pagkakaroon ng disiplina at maging isang totoong tao, lawakan ang pang-unawa, mahalin ang mga taong nakapalibot sa iyo, matutong tumayo sa sariling mga paa at magkaroon ng matatag na paninindigan sa buhay.

Nawa sa pamamagitaan ng inyong kolum ay makahanap ako ng maraming mga kaibigan. At sana mula rito ay mahanap ko ang Miss Right para sa akin. Marami pong salamat.

Lubos na gumagalang,
Emmanuel Manalo
Bldg. 2 Dorm 226,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Emmanuel,

Alam mo, kapag nakakatanggap ako ng mga sulat mula sa mga bilanggo sa pambansang piitin o kahit saan pa mang bilangguan sa ating bansa ay yun ang inuuna kong basahin at bigyan ng prioridad. Ganoon din ang ginagawa namin sa aming Magsulatan Tayo portion dahil alam naming kailangan ninyo ng mga kaibigan na magpapaalis ng inyong kalungkutan dahil sa mga dinaranas ninyo sa buhay.

Kaya naman buong-buo kong inilathala ang iyong pangalan at address sa dahilang una, sana ay mabasa ng iyong pamilya o sinumang nakakakilala sa kanila ang iyong sulat at maisipan kang dalawin diyan. Ang sabi mo nga ay 11 taon ka na nilang hindi nadadalaw. Siguro naman, it’s about time na mapatawad ka nila sa iyong nagawa at muli ka nilang tanggapin tutal ay pinagdurusahan mo na ang iyong ginawang kasalanan.

Pangalawa, sana ay maraming makipagkaibigan sa iyo at mula rito ay mahanap mo ang babaeng iyong hinahanap. I could sense na mabait ang iyong kalooban at nadala ka lamang ng mga consequences kaya nagawa mo ang iyong kasalanan.

Ipagpatuloy mo ang iyong pananalig sa Panginoon at alam kong hindi magtatagal ay lalaya ka na rin. Good luck at muli mo kaming sulatan sakaling magkaroon ng magandang development sa iyong buhay. God bless.

Dr. Love

AKO

BUHAY

CAMP SAMPAGUITA

DAHIL

DEAR EMMANUEL

DR. LOVE

EMMANUEL MANALO

IYONG

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with