Huwag pabulag sa pag-ibig

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Ito po ang unang pagsulat ko sa inyo bagaman lagi kong sinusubaybayan ang inyong column.

Sana ay marami pa kayong matulungan na may mga problema sa pag-ibig tulad ko.

Tawagin na lamang ninyo akong Miss Scorpio. Ang problema ko po ay tungkol sa boyfriend ko na malayo sa akin. Ang pangalan po niya ay Prove. Sa cellphone lang po ang communication namin.

Sa loob ng walong buwan na relasyon namin, tatlong beses pa lang po kaming nagkita at hindi ko po alam kung may iba na siyang mahal kasi nga ay hindi naman kami nagkikita.

Noong Mayo 6 ang huli naming pagkikita at sa pagkikita naming iyon ay may nangyari po sa amin. Hindi ko naman ito pinagsisisihan dahil mahal ko siya kaya naibigay ko sa kanya ang aking virginity.

Ang hindi ko lang po matanggap ay nang tinanong ko po siya kung paano kapag nabuntis ako. Ang sagot po niya ay hindi pa raw siya ready.

Naiyak ako sa sinabi niya at pagkatapos ng nangyari sa amin ay umuwi na po siya sa kanila. Ang feeling ko ay tinikman lang niya ako bagaman ang sabi niya ay mahal niya ako. Hindi ko po alam kung magkikita pa kaming muli ngayong nakuha na niya ang gusto niya sa akin.

Sana po ay mapagpayuhan ninyo ako.

Miss Scorpio


Dear Miss Scorpio,


Obviously, ang boyfriend mo ay isa lang ang hangad sa iyo. Matapos mong maibigay ang iyong pagkababae, huwag kang nang umasang tutuluyan ka niya. Mahahalata mo iyan sa kanyang inuugali sa iyo.

Kung hindi puro puso ang paiiralin mo, may matino kang pag-iisip na magsasabing pinagsamantalahan ka lang ng lalaking iyan.

Huwag kang maging bulag. Gumising ka at tumakbong papalayo sa ganyang klaseng lalaki.

Dr. Love

Show comments