Good day to you and to all staff of PSN. Isa po ako sa masusugid na mambabasa ng inyong pahayagan at ang paborito ko ay inyong column.
Anyway, tawagin na lang po ninyo akong Capricorn Lady. Ako po ay 20 years-old, dating may boyfriend pero nag-break na kami matapos naming makita kapwa na hindi kami compatible sa isat isa.
Bagaman pareho kaming mula sa nakaluluwag sa buhay, ang pananaw namin sa buhay ay magkaiba. Mas nakaka-identify ako sa mga taong dahop at may problemang pinansiyal samantalang siya ay parang nandidiring makisalimuha ng mga mahihirap.
Nagsimula dito ang pagsasamaan namin ng loob at hindi pagkakaunawaan nang pagsabihan niya akong tumigil na sa kapupunta sa mga lugar ng squatters para magturo sa mga bata at mga ina ng tahanan tungkol sa kalinisan at kalusugan.
Tumigil na kasi siya sa pagsama sa aming grupong tumutulong sa mahihirap sa ilalim ng NGO.
Hindi ko naman siya masisisi sa ganitong pananaw sa buhay dahil sa naging karanasan niya sa ganitong trabaho. Ninakawan kasi siya minsan at natangay ang mahahalaga niyang gamit sa sasakyan.
Sa ngayon ay busy siya sa paghahanda para mangibang-bansa at doon magpatuloy ng pag-aaral.
Hindi ko siya pinigilan dahil nagbago na rin ang pagtingin ko sa kanya.
Pero alam kong mahal pa rin niya ako. Mayroon pa rin naman akong feelings para sa kanya kaya nga lang, nawala ang aking respeto dahil sa mali niyang paniniwala.
Sa ngayon po, patuloy pa rin ako sa misyon sa buhay. Palagay ko dito ako higit na maligaya.
Tama po ba ang naging desisyon kong kalasan na lang si Dennis dahil hindi magkatugma ang aming paniniwala sa buhay?
Palagay po kaya ninyo ay may pagkakataon pang mabago ang kanyang pandidiri sa mahihirap?
Sana po, mapayuhan ninyo ako. Gumagalang,
Capricorn Lady
Dear Capricorn Lady,
Hayaan mo na munang mapag-aralang mabuti ni Dennis ang kanyang sarili para kusang mabago ang kanyang pananaw sa buhay.
Hindi mo dapat na ipilit ang sarili mong paniniwala sa kanya kung pikit ang kanyang mga mata sa katotohanang hindi porke mahirap, wala na silang pagkakataong umahon sa kahirapan at mabago ang hindi mabuting asal.
Kung talagang kayo pa rin ang ukol sa isat isa, magkakabalikan kayo. Ito ay kung kayoy makapaghihintay at kung walang ibang babae o lalaking matatagpuan ang isat isa sa inyo na higit na makakasundo ninyo sa buhay.
Kahit naman nagkalas na kayo ng relasyon, puwede pa rin naman kayong maging magkaibigan.
Mas magandang hamon para sa iyo na mapatunayan mo sa dati mong boyfriend na kahit mahirap ang isang tao, mayroon pa ring kabutihang matatagpuan sa kanya.
Good luck to your mission at sana, hindi ka manghinawa sa pagtulong sa mahihirap.
Dr. Love