Isa pong magandang araw sa inyo.
Ikinalulugod ko pong mapabilang sa libu-libo ninyong mga tagahanga at tagatangkilik ng inyong pahayagang PSN.
Tawagin nyo na lang po akong si Cherry. Malapit na po akong mag-30 anyos pero hanggang ngayon po ay wala pa akong matatawag na pirmihang boyfriend.
Ang dahilan po, palagi akong kinakalasan ng aking nobyo sa sandaling malaman nila na mayroon akong diprensiya sa matris at malabo ang tsansang magkaanak kung akoy mag-asawa na.
Ang problema ko pong ito ang siyang parang sumpa sa akin kung kayat tanggap ko na rin na magiging matanda akong dalaga.
Masakit po ito sa akin. Ang tanging konsuwelo ko na lang ay ang pagkakaroon ng mga pamangkin na siyang puwedeng ariing anak sakalit tumanda na akong nagsosolo.
Sa tingin po kaya ninyo, may pag-asa pa akong magkaroon ng asawa kahit na mayoon na akong ganitong problema?
Salamat po sa pagbibigay puwang ninyo sa liham kong ito at more power po sa inyo.
Sincerely,
Cherry
Dear Cherry,
Huwag mong masyadong bigyang problema ang sarili mo sa pangyayaring malabo ang tsansa mong magkaanak.
Moderno ang siyensiya ngayon at kung mayroon kang pera, malaki ang posibilidad na malutas ang problema mo.
Hindi naman lahat ng lalaki ay tulad ng mga nauna mong nobyo na iniwanan ka sa sandaling malamang ikaw ay baog.
Kung totoong mahal ka ng isang lalaki, hindi sagabal ang kawalang kakayahan mong magkaanak para magpakasal kayo.
Puwede namang mag-ampon at puwede ring magpagamot.
Sumangguni ka sa iba pang mga espesyalistang doktor at malay mo naman, mayroon ka pa ring malaking pag-asang makapagdalang-tao.
Huwag kang mawalan ng pag-asa. Samahan mo ng dalangin ang paglutas mo sa iyong problema.
Darating din ang lalaking magpapahalaga sa iyo bilang isang asawa at hindi sa kakayahan mong magbigay sa kanya ng anak.
Dr. Love