Hinagpis ng isang balikbayang OFW

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa libu-libong tagasubaybay ng inyong column at hindi po nagmimintis ang pagbili ko ng inyong pahayagan kahit sa lugar na pinagtrabahuhan ko sa abroad.

Ngayon po ay balik-Pinas na ako at ito nga po ang ikukuha ko ng payo sa inyo.

May limang taon din po akong nagtrabaho sa Hong Kong at sa panahong inilagi ko sa bansang ito, apat na beses po akong umuwi sa bansa para magbakasyon.

Nag-aarimuhunan po akong makaipon para may mapuhunan kaming mag-asawa sa munting negosyong plano naming itayo para hindi na ako umalis muli.

Laking pagkaunsiyami ko nang magpasiya na akong tumigil dito sa atin dahil nalimas lahat ang perang pinagsumikapan kong maipon.

Nilaspag ng asawa ko ang perang naipon ko na ipinatago ko sa panganay naming anak dahil nalulong ito sa sugal at alak.

Nang umuwi na ako, nilayasan na kami ng aking asawa at sumama sa babaeng siyang kasama niyang nagtamasa ng ginhawa sa pinagbanatan ko ng buto sa abroad.

Ayaw magsumbong ng panganay kong anak sa takot na mag-away kami at magulo ang aming pamilya.

Sinisi kong mabuti ang aking panganay dahil mas kinampihan niya ang kanyang ama kaysa sa akin.

Humingi siya ng pasensiya sa akin. Halos isumpa ko ang aking asawa sa nangyaring pagkaunsiyami ng aking pangarap.

Gusto ko siyang idemanda pero nagsusumamo naman ang biyenan kong babae.

Ano po ang dapat kong gawin?

Magmamartir na lang ba ako? Gumagalang,

Conchita


Dear Conchita,


Huwag mo nang panghinayangan ang asawa mong natutong magwaldas ng perang pinaghirapan mo.

Kung gusto mo siyang idemanda, kumunsulta ka sa abogado na siyang makapagbibigay sa iyo ng payo sa mga dapat mong gawin.

Mahina ang asawa mo sa tukso at minabuti pa niyang sumama sa ibang babae kaysa pahalagahan ang pagsisikap mo sa buhay.

Samahan mo na ng dalangin ang pagsisikap mong makabagong muli at hindi ka pababayaan ng Panginoon.

Huwag kang mawalan ng pag-asa. May naghihintay pa sa iyong magandang kinabukasan. Dr. Love

Show comments