Ang kapansanan ay hindi kapintasan

Dear Dr. Love,

Muli kong ibabahagi sa inyo ang aking karanasan sa buhay mula sa aking pagkabata hanggang sa matuto akong magmahal. Isa akong polio victim pero sa kabila ng kalagayan kong ito ay hindi ako naging pabigat sa mga kapatid ko. Maaga kaming naulila sa mga magulang at sa kapatid kong panganay ako nakatira. Maraming kabiguan at pagsubok ang naranasan ko na tila ba wala nang katupusan. Dahil ba sa aking kalagayan ay puro manlolokong lalaki ang aking matatagpuan?

Kaya naipasya ko na lamang sa aking sarili na ipagkatiwala na lamang sa Panginoon ang nalalabi kong buhay. Nagpaingat ako sa Kanya na huwag matukso at umibig muli sa lalaking manloloko. Hindi na ako nagpabola sa mga lalaki at iniwasan ko na patangay sa aking damdamin at ganito rin ang ipinapayo ko sa mga kababaihan at kalalakihan lalo na sa mga kabataan. Ingatan ninyo ang inyong puso at ipanalangin muna sa Panginoon ang bawat hakbangin ninyo.

Thank you, Dr. Love at sana’y mailathala ninyo ito sa buwan ng Hunyo.


Hindi lumilimot,

Miss 1-4-3

Dear Miss 1-4-3,


Kung minsan, higit na mapalad ang mga taong may handicap na tulad mo dahil mas malapit sila sa Panginoon.

Patuloy kang manalig sa Kanya at huwag bayaang lumipas ang isang araw na hindi mo Siya kinakausap.

Maaaring may masaklap kang karanasan sa mga lalaking nakarelasyon mo pero huwag mo namang gawing dahilan iyan para masuklam ka sa lahat ng mga kabaro ni Adan.

Manalangin ka and I believe God will honor the desire of your heart.

Bibigyan ka niya ng isang lalaking mamahalin mo at tunay na magmamahal sa iyo sa kabila ng iyong kapansanan.

Tandaan mo: Ang kapansanan ay hindi kapintasan. May mabuting dahilan ang Panginoon kung bakit binibigyan tayo ng kani-kanyang tinik sa laman.

Dr. Love

Show comments