In-love sa amo

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong column. Naisipan ko pong lumiham para maibsan ang suliranin ko.

Ito po ay may kinalaman sa trabaho ko. Isa po akong katulong at mag-iisang taon na po ako sa aking mga amo.

Habang tumatagal ay na-iin-love po ako sa amo kong lalaki. Hindi ko po ito sinasabi sa kanya at maging sa mga kaibigan ko.

Pero isang araw, sinabi niya sa akin na may gusto siya sa akin. Hindi ko napigilan ang sarili ko sa pagsasabing may gusto rin ako sa kanya.

May nobyo po ako na mahal ko rin. Hindi ko alam kung sino ang pipiliin ko sa kanilang dalawa. Natatakot din po ako na balang araw ay malaman ng asawa ng amo ko ang relasyon namin kaya kahit na masakit ay pilit ko siyang iniiwasan.

Isang araw ay tinanong niya ako kung bakit ako umiiwas at sinabi ko ang dahilan--na ayaw kong makasira ng pamilya at sinabi kong hindi kami para sa isa’t isa. Nasaktan siya sa mga sinabi ko at naawa ako sa kanya pero ano ang magagawa ko?

Sana ay matulungan mo ako, Dr. Love. Tama po ba ang ginawa ko?

Nagmamahal,
Amy


Dear Amy,


Hindi masama ang ma-inlove kahit na sa iyong amo sa dalawang kondisyon: na mahal ka rin niya at hindi lamang gagawing laruan at wala siyang pananagutan sa buhay. Pero gaya nang sinabi mo sa kalagitnaan ng iyong sulat, may asawa na pala siya.

Kaya ang payo ko ay kalimutan mo na siya dahil sa may malakas akong kutob na ibig ka lang niyang gawing parausan.

At hindi mo siya malilimutan hanggang magkasama kayo sa iisang bahay. Kaya kung kaya mong sundin ang payo ko, magbitiw ka na sa iyong trabaho at humanap ng ibang mapapasukan.

Mas malaking problema ang kakaharapin mo sa sandaling biglang lumobo ang iyong tiyan dahil sa inyong bawal na relasyon.

Dr. Love

Show comments