Gusto ko po sanang humingi ng payo tungkol sa problema ko sa babaeng pinakamamahal ko. Siya po si Jhenny Evangelista.
Nagsimula po ang nararamdaman ko sa kanya noong kami ay nasa isang park kasama ang aming mga kaibigan. Nakipagkilala po ako sa kanya at tinanong ko kung may boyfriend na siya at sinabi niya sa akin na malapit na.
Nang magtagal-tagal na ang aming pagkakakilala, sinabi niya sa akin na nawala na raw ang nararamdaman niya sa lalaking sinasabi niya sa akin dahil hindi na raw ito lumalapit sa kanya at hindi na nanliligaw. Puwede na raw akong manligaw sa kanya.
Nanligaw naman po ako pero hindi nagtagal, binawi niya ang sinabi niya sa akin. Hindi pa raw siya ready na pumasok sa isang relasyon. Hindi ko po maintindihan kung bakit ginawa niya iyonang paasahin ako.
Dumating po ang aking kaarawan at binati niya ako sa pamamagitan ng isang sulat. Sinabi pa niya na sana ay magka-girlfriend na raw ako.
Pero siya pa rin ang mahal ko kasi siya ang first love ko.
Litung-lito po ako. Hindi ko po alam kung kaya ko pang magmahal ulit o siya na lang ang itatatak ko sa aking puso.
Ang sabi niya, maghintay daw ako at baka sa sandaling handa na siyang pumasok sa isang relasyon ay sagutin na niya ako.
Sana po ay matulungan ninyo ako sa problema kong ito.
Umaasa,
Mr. Emman #3
Dear Mr. Emman #3,
Ang mga nararamdaman ninyo sa ngayon ay puppy love pa lang at hindi pa kayo handa sa mga seryosong pakikipagrelasyon.
Tama si Jhenny. Maging magkaibigan na muna kayo. Kung talagang kayo ay para sa isat isa, ang kinikimkim ninyong damdamin ay uusbong at mamumulaklak.
Nasa high school pa lang kayo at mas makabubuting iukol na muna ninyo ang atensiyon sa pag-aaral para mapaghandaan ang inyong mga kinabukasan. Mabubuhay ba kayo sa puro pag-ibig lang?
Mas matatag ang isang relasyon kung kapwa hinog ang inyong damdamin at kilalang-kilala na ninyo ang isat isa.
Maaaring hindi pa sigurado si Jhenny sa kanyang damdamin para sa iyo o maaari namang siya man ay nalilito kung dapat ka ngang ma-entertain bilang isang boyfriend.
Dr. Love