Isa pong masaganang pangungumusta sa inyo. Tawagin nyo na lamang po akong Mrs. Suspetsosa. Ito ang bansag sa akin ng mister ko dahil palagi ko siyang nabubuking sa kanyang pambababae.
Mayroon po kaming dalawang anak. Pareho kaming mayroong hanapbuhay at siguro dahil masuwerte sa negosyo, nakapundar kami ng sariling bahay at ang dalawang groserya namin ay kumikita nang maganda.
Hanggang sa muling madiskubre ko na ang isa palang kinuha ng mister ko na katulong namin sa tindahan ay kanyang babae.
Marami palang pangako sa babaeng ito ang mister ko at kasama na dito ang tuluyan na nilang pagsasama sa sandaling magkahiwalay na kami.
Kaya daw napilitan siyang magpakatulong sa amin ay para raw matutuhan niya ang kaliwa at kanan ng negosyong ito.
Siyempre, sinisante ko ang babae at hinamon ko ng hiwalayan ang aking asawa.
Dahil napahiya si Mr. Kaliwete, umalis siya sa aming tahanan at umuwi sa kanyang mga magulang.
Hindi ko pinapansin ang pakiusap ng kanyang pamilya para tanggapin muli ang mister ko.
Dumaan ang Pasko at Bagong Taon, tinikis ko siya. Hindi ko siya gustong harapin. Pinabayaan ko naman siyang mabisita ang kanyang dalawang anak.
Parang ayaw ko na pong pakisamahan uli ang mister ko. Nawala na ang respeto ko sa kanya.
Malungkot naman ang aking mga anak. Panay ang tanong kung kailan babalik ang kanilang Daddy.
Ano po ba ang dapat kong gawin? Gumagalang,
Mrs. Suspetsosa
Dear Mrs. Suspetsosa,
Talagang mahirap timbangin ang pagmamahal sa anak at sa asawa at gayundin ang respeto sa sarili.
Kung talagang wala ka nang amor sa mister mo, puwede kang magharap ng kaso sa korte para magkaroon kayo ng legal na paghihiwalay.
Pero marami itong konsekuwensiya. Unang-una, maaapektuhan ang mga anak mo at magkakaroon ng sigalot sa inyong mga pamilya.
Pabayaan mo munang magtanda ang iyong asawa. Baka naman puwede pang magbago siya at kailangan niyang ipakita ito.
Baka puwede pang maisalba ang inyong pagsasama.
Ang pitak na ito ay para sa preserbasyon ng pamilya.
Dr. Love