Hindi na pinapansin

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo gayundin ang staff ng PSN. Sumulat po ako para humingi ng advice.

Tawagin na lamang po ninyo akong Nel ng Pasay City. May minamahal po ako at siya ay may asawa na.

Dati-rati ay nag-uusap at nagkikita pa kami. Pero isang araw ay bigla na lang siyang nanlamig sa akin. Hindi ko po alam kung bakit ganoon.

Marami pong nag-aadvice sa akin na kalimutan na lang siya dahil hindi raw siya ang tipo ng taong dapat kaibiganin.

Ano po ang gagawin ko? Sa bawat oras ay pangalan niya ang nasasambit ko at nasasaisip at gustong makita.

Labis po akong nasasaktan dahil napamahal na siya nang husto sa akin. Muntik na nga po akong mapaaway sa asawa niya dahil sa pagseselos nito.

Sana po ay mabigyan ninyo ako ng payo.Lubos na gumagalang,

Nel


Dear Nel,


Siguro, ang lalaking mahal mo ay natauhan na, namulat sa katotohanang isang kabaliwan para sa taong may pananagutan na makipagrelasyon sa ibang babae.

Siguro ay napagtanto niya na may responsibilidad siya sa sariling pamilya niya na mawawasak kung papatol siya sa iyo.

Totoo ang mensahe ng awiting "Tukso" na ito’y marami nang winasak na tahanan.

Papayag ka bang maging instrumento sa pagsira ng isang pamilya? Papayag ka ba na masira ang kinabukasan di lamang ng asawa ng lalaking ibig mong agawin, kundi maging ng kanyang mga anak kung mayroon man?

Natauhan na ang lalaking gusto mo. Ikaw?

Dr. Love

Show comments