Goodbye kiss

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa marami ninyong tagahanga at tagatangkilik ng inyong malaganap na pahayagan.

Ako po ay 16 years-old, high school student at nangangarap na makatapos ng kurso para makaahon sa kasalukuyang kalagayan sa buhay.

Ang problema ko po Dr. Love, ay ang aking boyfriend na mas malaki ang agwat ng edad sa akin, tapos na ng karera at kasalukuyang nasa Middle East para magtrabaho doon.

Mula nang magtungo siya sa Saudi, hindi na siya lumiham sa akin ni tumawag sa telepono. Nagdamdam kasi siya sa akin dahil hindi ko pinagbigyan ang kanyang kahilingan na bigyan siya ng goodbye kiss bago siya umalis ng bansa.

Tinangka kong lumiham sa kanya pero pagkaraan ng dalawang sulat, wala pa akong sagot na tinatanggap mula sa kanya.

Bago kasi kami nagkaroon ng samaan ng loob, ibinigay niya sa akin ang address ng kompanyang paglilingkuran niya sa abroad.

Dumating sa akin ang pasabi mula sa isa niyang kaibigan na huwag ko na raw hintayin pa ang pagbabalik ng aking bf dahil sinira ko raw ang pangako ko sa kanya.

Bagaman love ko ang bf ko, hindi ko naman basta puwedeng pagbigyan ang gusto niya dahil natatakot akong makalimot sa sarili at matuksong makipag-sex sa kanya.

Ano po bang ang dapat kong gawin?

Ipagpapatuloy ko pa ba ang pagsulat sa kanya kahit hindi niya ito sinasagot?

Hangad ko po ang patuloy pang pagtatagumpay ng column ninyo at more power. Digna


Dear Digna,


Hindi ka dapat na binibigyan ng alalahanin ng katipang nangibang bansa. Magkalayo kayo at dapat pa ngang mas malapit ang inyong komunikasyon.

Sikapin mo pa ring sumulat sa lumayong kasintahan at kung talagang hindi ka pa rin niya pinapansin, makipagkalas ka na dahil higit siyang makasarili kaysa ibinibintang niya sa iyo.

Hindi niya dapat na sisihin ang isang babae lalo pa ang isang menor de edad na tulad mo kung hindi mo man siya mapagbigyan sa kanyang kapusukan.

Natural lang na pangalagaan mo ang sarili at kapurihan.

Kung talagang mahal ka niya, ang pagtanggi mong pagbigyan ang kanyang pagnanasa ay hindi niya mamasamain.

Pinahahalagahan mo lang ang sariling puri na nais mong ihandog sa kanya sa araw ng inyong kasal.

Dr. Love

Show comments