Isa po ako sa masugid ninyong tagasubaybay at nagpapasalamat ako sa column ninyo dahil marami akong natututuhan sa magaganda ninyong payo sa mga lumiliham sa inyo.
Kaya naman hindi ako nagdalawang-loob na sumulat din para idulog ang aking problema na alam kong mabibigyan ninyo ng kaukulang solusyon.
Tawagin mo na lang po akong Girlie, isang saleslady sa isang malaking chain of stores dito sa Metro Manila.
Maganda naman po ang aking trabaho at nakakatulong ako sa aking pamilya para makapag-aral ang mga nakababata kong kapatid.
Bagaman hindi po ako nakatapos ng college, nakatuntong naman ako ng unibersidad kaya nga lang hindi pinalad na makapagtapos ng kurso dahil minabuti kong mamasukan na muna para makatulong sa aking pamilya.
Sa trabaho ko nakilala ang lalaking minahal ko bagaman noong una, hindi ko alam ang kanyang estado sa buhay.
Huli na nang malaman kong mayroon na siyang pananagutan sa buhay. Hindi naman niya ito itinanggi bagkus, inalok niya akong magsama sa isang bubong at pinangakuang tutustusan ang aking pamilya.
Nainsulto ako sa alok na ito dahil kahit naman isa akong hamak na empleyado lamang, ang pinangangalagaan ko ay ang aking reputasyon at pagkababae.
Tinapos ko na ang relasyon namin kahit mahal na mahal ko siya. Pero patuloy ang kanyang panunuyo. Abot-abot ang regalo at paglalangis sa aking mga magulang at kapatid.
Pero isinasauli kong lahat ang mga regalong ito sa pangambang magbago ang aking isip. Hindi ko maatim na mang-agaw ng ama ng pamilya kahit pa nga sinasabi niyang ako raw ang mahal niya.
Tinatapat ko na siyang tigilan na ang pang-iistorbo sa akin at kung hindi ay ibibisto ko siya sa kanyang asawa.
Hanggang malaman ko na lang na ang isa ko palang kasamahan ang napagtuunan niya ng pansin para raw pasakitan ako. Noong una ay hindi ako naniniwala. Pero nasaksihan ko minsan ang pagsundo niya. Tinanong ko kay Beth kung ano na ang relasyon niya sa aking ex at inamin niya na sila na nga.
Tinangka kong pagpayuhan siya pero hindi niya pinansin ang mga pagunita ko.
Tinawanan lang ako ng dati kong bf at sinabing "ayoko ko na sa yo."
Tinangka kong kausapin siya para lubayan na niya ang panloloko sa kasamahan ko pero wala raw akong pakialam dahil wala na naman kaming relasyon.
Ano po sa tingin ninyo, dapat ko bang bigyan ng tip ang kanyang asawa? Isa po itong malaking hamon sa akin.
Hanggang dito na lang po at ipagpatuloy sana ninyo ang maganda ninyong serbisyo.
Melanie
Dear Melanie,
Napagsabihan mo na ang kasamahan mo at hindi ka niya pinakinggan. Nakausap mo na ang dati mong bf pero tinawanan ka lang.
Hindi ka na masisisi. Pinili mong kalimutan ang kasintahan mo matapos na mabatid mo ang katotohanan.
Hayaan mo na sila dahil ang tingin ko naman, nasa hustong gulang na ang kasamahan mo. Iba ang prinsipyo mo kaysa sa kanya.
Ang pilitin mo siyang suportahan ang prinsipyo mo ay maaaring maging daan para mapaghinalaang naiinggit ka lang.
Nagawa mo na ang inaakala mong mabuti. Hindi ka na masisisi.
Best wishes at good luck sa napili mong landas ng buhay. Sana makatagpo ka rin ng tunay na magmamahal sa iyo at mamahalin na walang sabit.
Dr. Love