Bawal na pag-ibig

Dear Dr. Love,

A pleasant day to you and all the readers of your column na talaga namang nakapagbibigay ng advice sa mga problema at kinapupulutan ng aral sa buhay.

Tawagin na lamang ninyo ako sa pangalang "Gerard" ng Iba, Iyam, Lucena City, 24 years-old. Ang problema ko po ay tungkol sa aking naging live-in partner noong ako’y nasa 2nd year high school pa lamang.

Itago na lamang natin siya sa pangalang "Ver" of Bataan. May asawa siya at kasal sila ng asawa niya. Naging malapit sa akin si Ver dahil nagkahiwalay silang mag-asawa nang magkaroon ng ibang babae ang asawa niya.

Pagkatapos ng mga pangyayaring iyon ay lalong naging malapit sa akin si Ver at hindi ko inasahan na magkakaroon kami ng relasyon.

Alam kong mali ito at malaking kasalanan sa Diyos, subalit sadyang malakas ang kaway ng tukso at dahil doon pinilit kong makaiwas kung kaya nagdesisyon akong lumipat ng ibang paaralan.

Sa Malinta National High School ko ipinagpatuloy ang aking pag-aaral ngunit dahil sa hindi ko makayanan ang lungkot na malayo sa aking mga magulang ay hindi rin ako nagtagal at bumalik ako sa dati kong pinapasukang paaralan.

Subalit sa aking pagbabalik ay wala na doon si Ver at nabalitaan ko na lang na bumalik daw ito sa Bataan. Subalit may isang kaibigan siya na nakapagsabi sa akin na buntis daw si Ver nang umalis at bunga raw iyon ng aming relasyon. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa kami nagkakausap, may tatlong taon na ang nakalilipas.

Dr. Love, ngayon ay labis akong naguguluhan at hindi ko malaman kung ano ang aking gagawin.

Dapat ko pa ba siyang hanapin o kalimutan na lang? Sana po ay mabigyan ninyo ng katugunan ang aking problema.

Lubos na gumagalang,

Gerard ng Iba, Iyam, Lucena City


Dear Gerard,


Madalas ay bulag ang tao lalo pa’t sa mga bagay na nauukol sa pag-ibig. Kahit alam na mali at labag sa kalooban ng Diyos ay ginagawa pa rin.

Ang anumang karanasan mo kay Ver ay ibaon mo na sa limot. Kahit totoong nagbunga ang inyong bawal na pag-ibig, huwag mo na siyang hanapin. Alam mo kung ano ang tama at mali. Lumugar ka sa tama.

Dr. Love

Show comments