Una ko po itong liham sa inyong malaganap na column. Tawagin na lamang ninyo akong Gem, 22 years-old.
Mula po nang pagkabata ko, marami nang hirap ang aking pinagdaanan sa buhay. Maaga po akong nagtrabaho para makatulong sa aking pamilya. Naging daan ito para mapabayaan ko ang aking pag-aaral pero nakatapos naman po ako ng elementarya.
Labinlimang taon po ako nang mapunta sa Cavite City at ito ang unang pagkakataon na mawalay ako sa aking pamilya. Iyak po ko nang iyak pero nakatagal din ako ng tatlong taon sa trabahao hanggang sa kuhanin ako ng aking tiyahin.
Bagaman naghihirap pa rin ako hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala ang aking pag-asa na balang araw, magiging maginhawa rin ang aking buhay. Ang sabi ko sa aking sarili, kasama sa tagumpay ang pagdaan sa kahirapan.
Sana po, sa sinumang makakabasa ng liham na ito, gusto kong matulungan ninyo ako sa aking pangarap na maging singer.
Gusto ko pong makatulong sa aking pamilya dahil ako lang ang inaasahan nila na tutustos sa pag-aaral ng mga bata ko pang mga kapatid.
Kung minsan, nasasabi ko sa sarili ko na kung sino pa ang nagsisikap ay siya pang nahihirapan.
Sana po ay matulungan ninyo ako at hangad ko ang patuloy ninyong pagtatagumpay.
Merry Christmas and a Happy New Year.
Gem
Dear Gem,
Maligayang Pasko po sa inyo. Ang maipapayo ko lang sa iyo, patuloy kang dumalangin at magsikap dahil hindi naman sa lahat ng araw ay nasa ibaba ka.
Kung anong malinis na trabaho na bukas para sa iyo ngayon, magtiyaga ka muna at kung talagang hangad mong maging singer, hasain mo ang boses mo.
Sumali ka sa mga amateur singing contests at baka madiskubre ka balang araw.
Magsikap ka ring makaipon ng kahit munting puhunan para makapagbukas ng maliit na negosyo na puwede mong gawin sa tulong na rin ng mga miyembro ng iyong pamilya.
Habang mayroon kang trabaho, mayroon ding napagkukunan ang pamilya mo ng kanilang gastusin sa buhay.
Good luck at sana ay magtagumpay ka.
Dr. Love