Poot, galit sa puso ko pinalitan ng Panginoong Hesus ng pag-ibig at pang-unawa - Dolphy Jr.

Sa totoo lang, hindi naman talaga ako kasama sa pagsunog sa bahay ng yumaong Mina Aragon na ikinamatay ng lima katao. Ito nga ang kinainisan ko. Wala akong kasalanan subalit sa piitan ako bumagsak.

Noong una, talagang galit na galit ako sa pamilya ni Mina Aragon dahil pawang kasinungalingan ang ibinintang nila sa akin. Tuloy, naisipan ko na kung makakalaya ako ay susunugin ko silang lahat.

Nalaman ko lamang na ang nagsunog ng bahay ni Mina ay ang kanyang pamangkin na si Mario Salvador. Nang dinala ako sa kulungan, nandoon din si Mario at nagmakaawa sa akin na huwag ko siyang saktan. Hindi niya alam kung bakit dinawit ako pati na sina Jerry Pons, Lito dela Merced at Rey Bayona. Ang isinampa sa akin at mga kasamahan ko ay kasong arson with multiple homicide.

Ipinagtapat ni Mario na siya talaga ang gumawa sa krimen na ito. Hindi naman talaga niya intensyon na sunugin ang bahay kundi gusto lang niyang takutin ang tiyahin niyang si Mina. Sa katunayan, ang ginamit lamang niya ay isang lighter fluid. Pero bigla lamang daw itong nagliyab at lumaki ang apoy at hindi na naagapan pa.

Ginawa umano ni Mario ang ganoong pananakot na nauwi sa trahedya nang palayasin siya ni Mina dahil tinuturuan niya ang anak nito (Mina) na mag-marijuana. Bilang ganti sa kanyang tiyahin, nabuo sa kanyang isipan na takutin ito at kanyang mga anak.

Naniniwala ako na may mga nasa kulungan na walang mga kasalanan kagaya ko. Nang mangyari ang trahedya, kasama ko ang Daddy ko na dumalo sa isang birthday party ng kamag-anak namin. Iyon nga rin ang ikinasama ng loob ng Daddy ko nang pagbintangan nila ako.

Nang naroroon ako sa Muntinlupa, hindi ako makatulog sa mga unang araw sa kaiisip kung bakit ako ay nakulong. Nawasak ang aking pamilya. Dahil hindi na makatiis ang asawa ko, nag-asawa siya ng iba. Sa loob ng kulungan ay napakalungkot. Nagsa-shabu ako. Akala ko noon walang shabu sa loob ng piitan, talamak pala.

Isang araw, nanonood ako ng television. Nabuksan ko ang isang channel kung saan si Bishop Eddie Villanueva ang nagsasalita. Napatutok ako sa tv at pinakinggan ko ang mga sinasabi ni Bishop Villanueva.

Sa oras na yaon, hinipo ako ng Diyos. Nang sabihin ni Bishop Villanueva na ang kailangan sa tao ay hindi relihiyon kundi relasyon sa Panginoong Hesus at sino mang tumanggap sa Kanya at mananampalataya at tatalikuran lahat ang mga kasalanan, ang taong yon ay may tunay na relasyon sa Kanya. Sumunod ako sa panalangin ni Bishop Villanueva sa pagtanggap ng Panginoong Hesus. Sa oras na yaon, naranasan ko ang tunay na kapayapaan at pag-ibig ng Diyos sa buhay ko. Dito nagsimula ang pagbabago sa buhay ko. Hanggang ako’y makalaya dahil sa pagbabago ng Panginoong Hesus. Bago ako nakalaya, nakilala ko rin si Nancy, isang katulad ko na may relasyon kay Hesus. Siya nga ang babae na naging inspirasyon ko nang ako’y makalaya. Salamat sa Panginoong Hesus at binago Niya ako at binigyan Niya ako ng pag-asa at magandang kinabukasan. Ngayon, wala na ang galit ko sa yumaong si Mina at sa kanyang mga mahal sa buhay. Purihin ang Panginoong Hesus sa kabutihan niya sa akin!

(Sa mga nais humingi ng payo, panalangin, pagpapala at iba pa, tumawag lamang sa mga telepono ng CLSF: U-belt, 733-1087; Pandacan, 533-5791/563-2809; Tondo, 251-8243/252-6649; Malabon, 2738256/270-3836; Q.C., 724-0676; Paranaque, 821-5335; Cainta, 656-7998 at Mandaluyong, 533-5171.)

Show comments