Bayaan po ninyong mauna ako sa pagbati sa inyo ng Maligayang Pasko sampu ng inyong mga kasamahan sa PSN.
Disyembre na naman po at sa panahong ito, hindi ko alam kung magsasaya ako dahil sa kasalukuyan kong kalagayan sa buhay.
May limang Pasko na ang nakalilipas at hanggang ngayon ay sariwa pa ang sugat sa puso ko na naiwan sa pagpapakasal sa ibang babae ng boyfriend ko pagkaraan ng mahigit limang taon din naming relasyon.
Hindi ko alam kung bakit umasim ang aming relasyon gayong palagay na palagay ang aming loob sa isat isa at ni sa agam-agam ay hindi sumagi sa aking isip na sisira siya sa aming pangako sa isat isa.
Ngayon ay mayroon na silang dalawang anak at hanggang ngayon ay dalaga pa rin ako at walang commitment sa kahit sinong lalaki.
Hindi ko po alam kung natakot na ako sa ngalan ng pag-ibig at ang tingin ko sa kanila ay pare-parehong taksil.
Mayroon din naman akong dalawang kapatid na lalaki na siyang nagpapayo sa aking huwag maging cynical. Hindi kami nagkaroon ng opisyal na pagkakalas ng relasyon ni Ben at ito ang isinasama ng aking loob. Bakit kaya niya ako pinaasa sa wala?
Alam kong alam niyang galit pa rin ako sa kanya at halos isumpa ko siya sa nangyari. Gusto raw niyang humingi ng tawad sa akin dahil hindi rin daw natatahimik ang pagsasama nilang mag-asawa. Pero ipinasabi ko sa kanyang hindi ko siya gustong kausapin at makita.
Para sa akin, patay na siya at ayaw ko na siyang makita pa. Si Ben po ay kaibigan ng isa kong kapatid kaya hiyang-hiya siya sa nangyari.
Ano po sa tingin ninyo? Kailangan pa ba ang pag-uusap namin pagkaraan ng limang taon?Gumagalang,
Gigi
Dear Gigi,
Ibaon mo na sa limot ang nakaraan. Hindi ka makakaharap sa isang magandang bukas kung patuloy mo pang inaalagaan ang sama ng loob sa isang lalaking taksil.
Ang pangyayaring hindi siya mapakali hanggang hindi nakakahingi ng patawad sa kanyang ginawa ay isang magandang indikasyon na inaamin niya ang kanyang pagkakasala.
Kung ayaw mo siyang makausap, ipasabi mo na lang sa kapatid mo o kayay sa iba ninyong kaibigan na napatawad mo na siya.
Ang nangyari sa iyo ay hindi sapat na dahilan para hindi ka matuto pang umibig uli.
Sa pag-ibig, talagang walang katiyakan kung mahina sa tukso ang makukuha mong nobyo.
Alang-alang sa panahon ng Pasko, patawarin mo siya at kalimutan na ang sama ng loob. Dito ka lang matatahimik at gayundin naman siya. Dr. Love