Nawawalan na ng love kay mister

Dear Dr. Love,

Hi! Isa po ako sa marami ninyong tagahanga at mambabasa ng inyong pahayagan. Lumiham po ako dahil wala po akong mapaghingahan ng aking sama ng loob.

I’m Marissa, isang working mother. May isa kaming anak ng mister ko na two years-old na. My husband is also working at responsible naman siyang ama ng tahanan.

Tatlong taon na kaming nagsasama sa iisang bubong at minsan ay hindi talaga maiwasan ang pag-aaway. Sa pagkakagalit namin, nauuwi ito sa pananakit niya sa akin at hinahamon pa ako ng hiwalayan.

Nang magpakasal ako sa kanya, hindi ko inilihim na hindi na ako virgin. Tinanggap naman niya ako dahil mahal daw niya ako. Pero bakit hanggang ngayon, lalo na kapag nag-aaway kami, ay lagi niyang isinusumbat sa akin iyon. Kapag may ibinigay siya sa aking materyal na bagay, kapag nag-aaway kami ay binabawi niya.

Hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko pa ang pakikisama sa kanya. Nagsasawa na rin ako sa ganitong sitwasyon dahil nawawala na nga ang pagmamahal ko sa kanya.

Laging ako ang sumusuyo sa kanya kahit na siya ang may kasalanan sa pagkakaroon namin ng sama ng loob. Ano po ang dapat kong gawin? Natural po ba na kapag galit siya ay babawiin niya ang lahat ng mga bagay na ibinigay niya sa akin? Kapag nag-aaway kami, pati anak namin ay idinadamay niya.

Thank you and more power. Marissa


Dear Marissa,


Ang isang madilim na nakaraan, kahit na matagal na, ay palaging nauungkat kung mayroong pagdududa ang isang kabiyak. Hindi naman kaya ganoon ang ugat ng inyong pag-aaway?

Habaan mo pa ang iyong pasensiya at pang-unawa sa iyong asawa. Pero kung taliwas ang sitwasyon, mag-isip ka na.

Wala kang inilihim sa iyong asawa. Hindi kaya may kinalaman ang kanyang pamilya sa pagkakaganito ng ugali ng asawa mo?

Kung minsan, ang mga intriga ay nakakahadlang sa magandang pagsasama ng mag-asawa.

Kung maganda ang mood ng iyong asawa, subukan mo siyang kausapin nang masinsinan. Sabihin mo kung ano ang tunay mong nararamdaman at baka siya maliwanagan. Sa panig mo, ipakita mo namang kung anupaman ang nakaraan mo ay burado na iyon at huwag mo na siyang bigyan ng anumang bahid ng pagdududa sa katapatan mo.

Kahit pa nga ang isang lalaki ay naging maunawain sa nakaraan ng isang babae, kung nakakantiyawan o nasusulsulan ng iba, nababago ang ugali dahil sa insecurities.

Sana, malampasan mo ang mga pagsubok ng buhay at lawakan mo rin ang pang-unawa mo bago magpasiyang makipaghiwalay sa kanya.

Dr. Love

Show comments