Una po, isang masaganang pagbati sa patuloy na paglaganap ng inyong pahayagan at ng inyong column.
Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng pitak ninyo at masasabi kong sana ay huwag kayong magsawa sa ginagawa ninyong pagtulong sa mga dumudulog sa inyo.
Sa pamamagitan po ng pagbabasa ng inyong column, nakakapulot ako ng mabubuting aral tulad ng pagkakagising ko sa katotohanang hindi nga ako dapat na pumatol sa isang may pananagutan na sa buhay.
Tulad po nang paglalahad na ginawa ng isa ninyong letter writer, ako man po ay nahumaling sa isang may pananagutan na sa buhay bagaman ako, tulad niya, ay nakatali na rin sa isang matrimonyo bagaman hiwalay nga lang sa asawa at mayroong dalawang anak.
Dinanas ko ang pagkakaroon ng panandaliang kaligayahan sa piling ni Rudy na naging daan sa pagpapabaya ko sa dalawa kong supling.
Kinuha ng biyenan ko ang dalawang bata matapos muntik nang masagasaan ang isa sa kanila dahil sa pag-uwi ko ng gabi na, kahit wala silang kasama sa bahay.
Ito ang naging daan para magsisi ako at makaranas ng kalungkutan sa pagkawala ng dalawang anak.
Nagkaroon ng demandahan ang pamilya ko at pamilya ng mister ko. Mabuti na lang at nabawi ko ang aking mga anak.
Mabuti na lang naging mahusay ang abogado ko at talaga namang iniwan kami ng aking asawa dahil sa pagkahaling naman sa ibang babae.
Pinagsisihan ko ang pagpatol kay Rudy na natuklasan kong ginagamit lang pala ako para makahuthot ng pera.
Salamat sa pagbabasa ko ng column ninyo at natutuhan kong kalimutan ang panandaliang kaligayahan.
Sa ngayon po, kapiling ko nang muli ang dalawa kong anak at sila na lang ang pinagsisikapan kong itaguyod.
Salamat na muli sa mahahalaga ninyong payo at sana, may matutuhan din sa karanasan ko ang iba pa ninyong mambabasa.
Gumagalang,
Lena
Dear Lena,
Salamat sa liham mo at nakakalugod na malamang ang karanasan ng iba ay nagbibigay din ng mahalagang aral sa iba pang may kahalintulad na problema.
Sana huwag mong pagsawaang tangkilikin ang pahayagan namin at ang column na ito na ang talagang pakay ay makatulong sa lahat.
Sana, makatagpo ka rin ng lalaking magmamahal sa iyo ng tapat sa kabila ng kalagayan mo sa buhay. Pero kailangan mo munang magkaroon ng kalutasang legal ang problema mo sa asawa.
Dr. Love