Pinagaling ni Hesus ang kanser ko sa buto

Dr.Love,

Nagkasakit ako ng kanser sa buto. Tinaningan na akong mabubuhay na lamang sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon. Nanghina ako kahit ako’y isang tao na may kaugnayan sa Panginoong Hesus. Siyempre, may pamilya akong sinusuportahan–mga anak na pinag-aaral at asawang minamahal.

Pero wala akong sama ng loob sa Panginoong Hesus sa sinapit kong ito. Alam ko naman na ang sakit na ito ay hindi galing sa kanya. Ito’y resulta ng kasalanan ng ating kauna-unahang mga magulang sa katauhan nina Adan at Eba. Ito rin ay galing kay Satanas na nagpapahirap sa lahat ng tao sa mundo.

Subsuban ang aking panalangin sa Panginoong Hesus na ako’y kanyang pagalingin sa sakit kong ito. Subali’t hindi pa rin ako gumagaling. Nang mabasa ko ang kolum na ito, ako’y tumawag sa isa sa mga counselor ng Christ, the Living Stone Fellowship.

Pinanalangin niya ako sa kagalingan ng aking sakit. Sinaway niya ang kanser na ito sa ngalan ni Hesu Kristo. Ayon sa kanyang panalangin, sa pamamagitan ng latay na tinamo ni Hesu Kristo sa kanyang katawan, ang lahat ng karamdaman at sakit kong ito ay pinagaling na Niya.

Habang siya’y nananalangin, naramdaman kong may init na pumasok sa aking buong katawan. Nanalig ako na ang init na yaon ay galing sa Panginoong Hesus at tiyak na hinipo Niya ang mga buto ko para pagalingin ako.

Para makatiyak na talagang pinagaling na ako ni Hesus, nagpa-check up akong muli sa aking doktor. Laking gulat niya at hindi makapaniwala na wala na akong sakit. Tinanong niya ako kung ano ang ginawa ko. Sinabi kong ako’y pinapanalangin ng isang counselor ng CLSF. Talagang napakabuti ng Panginoong Hesu Kristo. Sa halip na ako’y mamatay sa sakit kong ito, pinahaba pa Niya ang aking buhay. Sambahin at purihin si Hesu Kristo sa ginawa Niyang pagpapagaling sa akin.

Jun
San Jose, Occidental Mindoro


(Kung nais makatanggap ng pagpapala, kagalingan, kasagutan o anupaman, tumawag lamang sa 533-5171 at hanapin ang CLSF counselor.)

Show comments