Isa pong mapagpalang araw! Bago ko po ihayag ang problemang kinakaharap ko ngayon, bayaan po ninyong batiin ko kayo kasama na ang mga bumubuo ng pasulatang PSN.
Itago na lang ninyo ako sa pangalang Mimi, 23 years old, may trabaho na pagkaraan ng apat na taong kurso sa kolehiyo at mayroon na rin pong boyfriend.
Ang suliranin ko po ngayon ay ang pangyayaring nararamdaman kong hindi ko na mahal ang bf kong si Armand. Fourth year high school pa lang ay bf ko na siya. Sa loob ng 5 taong mag-on kami, ngayon ko lang naramdaman ang mag-atubili sa damdamin ko sa kanya, ngayon pa namang pinag-uusapan na namin ang pagpapakasal.
Parang ang damdam ko, hindi ko pa gustong magpakasal sa kanya.
Ganito nga lang ba ang nararamdaman ng isang babaeng nalalapit nang ikasal? Ang alam ko po, dapat akong matuwa dahil hindi ko naman inuungkat ang pagpapakasal at siya mismo ang mapilit na humarap na kami sa pagpapamilya.
Sa kanya, walang dudang alam niya ang kanyang hinaharap na responsibilidad. Pero, parang hindi ko na makapa sa sarili ang damdamin ko para sa kanya. Parang ang relasyon namin ay nagsimula lang sa aking paghanga sa kanya dahil isa siyang matalinong estudyante noon at isang responsableng tao.
Ano po ba ang nararamdaman kong ito? Ganito nga ba ang damdamin ng isang babaeng niyayaya nang pakasal ng nobyo? May duda sa sarili at takot harapin ang katotohanan?
Sana po ay mapayuhan ninyo ako.
Gumagalang,
Mimi
Dear Mimi,
Sa tingin ko, ang pangamba mo ngayon na nararamdaman ay bahagi lamang ng ordinaryong dinaranas ng isang babaeng wala pang balak na magpakasal dahil enjoy pa sa kanyang buhay pagkadalaga.
Bakit hindi mo muna kausapin ang nobyo mong maghintay muna kayo kapwa ng ibang panahon mga isa o dalawang taon pa para higit ninyong mapaghandaan ang hinaharap.
Mayroon ka bang nakikitang pagbabago ng damdamin ng nobyo mo kung kayat nangangamba kang humarap sa altar?
Huwag kang mahiyang sabihin sa nobyo mo ang kasalukuyan mong damdamin. Kung mayroon kang gustong klaruhin sa kanya, sabihin mo. Mas mabuting bukas ang inyong komunikasyon para wala kang pagsisihan.
Dr. Love