Ako po ay kasalukuyang namamalagi sa bansang Korea, almost nine years na po ako dito. Katulong po ako dati at ngayoy nakapag-asawa ng Kano nang di-sinasadya. Dumating siya sa buhay ko nang akoy kasalukuyang bigo sa pag-ibig sa lalaking aking pinagkalooban ng lahat-lahat ngunit akoy niloko lamang.
Nakilala ko ang aking asawa sa pamamagitan ng isang kaibigan at agad niya akong nagustuhan at niyayang pakasal. Kahit na isang linggo ko pa lamang siyang nakikilala, tinanggap ko ang kanyang alok dahil sa sama ng loob. Ngayon ay may dalawang taon na kaming nagsasama at may 7 month-old girl.
Ang akin pong problema ay hindi ko siya mahal at nakita ko ang kanyang tunay na ugali. Ilang beses na kaming nag-aaway at palagi akong umaalis at akoy palagi niyang sinusuyo. Nitong huli naming pag-aaway, akoy nagdesisyon na huwag nang bumalik pero akoy natatakot sa mangyayari sa aking anak.
Hindi ko makayanan na siyay iuwi sa Pilipinas at bumalik sa Korea at bumalik sa dati kong trabaho. Hindi ko kayang tanggapin na magkahiwalay kami ng aking anak. Maraming nagpapayo sa akin na hintayin ko na lang na maging US citizen ako at saka ko iwanan ang aking asawa at magkasama pa kami ng aking anak.
Hindi ko na po kaya, pero ayaw ko pong magkahiwalay kami ng aking anak. Dapat po ba akong magtiis pa para lang sa aking anak o umalis na po ako sa poder niya?
Please, kailangang-kailangan ko po ang inyong payo. Hinihintay ko po ang inyong sagot. Maraming salamat po.
Mildred
Dear Mildred,
Sa tingin ko sa iyo, pinakasalan mo ang iyong asawa dahil gusto mong maging US citizen, tama? Kung hindi naman, nagpakasal ka in order to mend a broken heart only to find out later na nagsisisi ka sa iyong ginawa. Nag-asawa ka sa maling dahilan at naniniwala akong magiging mailap sa iyo ang kaligayahan dahil wala ang elemento ng pag-ibig. Nasa sa iyo ang pagpapasya. Bagamat di ako pabor sa diborsyo, ang payo koy magdasal ka at humingi ng guidance sa Panginoon.
Dr. Love