Mahal ko ang best friend ko

Dear Dr. Love,

Isa pong mapagpalang araw sa inyo. Lumiham po ako sa inyo para ihingi ng payo ang kasalukuyan kong problema sa pag-ibig.

Tawagin na lang po ninyo akong Genie, 23 years-old at isang propesyunal.

Barkada ko si Nonoy mula elementarya hanggang sa kolehiyo bukod pa sa magkapitbahay kami sa probinsiya.

Hindi naman siya nanligaw sa akin. Talagang kaibigan lang ang turingan namin sa isa’t isa at ang relasyong ito ay nagpatuloy kahit na nagkaasawa na siya.

Naging malapit din sa akin ang naging maybahay niya. Katunayan, kumare pa nga nila ako sa panganay nila.

Pero ang pagtuturingang magkaibigan ay nagkaroon ng ibang kulay may tatlong buwan na ang nakalilipas.

Nagsimula ito nang magtapat sa akin si Nonoy na nagkamali siya sa maagang pag-aasawa. Masyado raw siyang pressured bilang isang tatay at sa palagay niya, hindi pa siya masyadong nakakagala at nakapagbubuhay malaya matapos ang kanyang pag-aaral.

Pinapayuhan ko siya lalo na kung nagkakaroon sila ng sigalot ng kanyang maybahay. Minsan, lumabas kami. Nag-dinner at nauwi kami sa isang motel.

Ngayon ko lang napaglimi na hindi lang pala bilang kaibigan ang turing ko kay Nonoy. Mahal na mahal ko pala siya at gayundin daw ako sa kanya.

Pagkaraan ng insidenteng ito, naisip ko na hindi na nga pala malaya ang kaibigan ko. At kung ipagpapatuloy namin ang minsang pagkakamali, mas lalala ang problema.

Kaya minabuti kong mangibang-bansa. Sa kasalukuyan po ay nilalakad ko ang aking mga papeles para lumayo sa kanya.

Masama ang loob sa akin ni Nonoy. Hindi raw siya papayag na umalis ako at kung itutuloy ko ang plano, susundan niya ako para doon namin ipagpatuloy ang aming naunsiyaming pag-ibig.

Kailangan ko po ang payo ninyo. Ano po ba ang dapat kong gawin?

Genie


Dear Genie,


Isang malaking kamalian at pagtataksil sa maybahay ni Nonoy ang gagawin ninyong dalawa kung lalayo kayo at sa ibang bansa ipagpapatuloy ang inyong relasyon.

Hindi magandang dahilan ang pagsasabing maagang nag-asawa ang kaibigan mo kung kaya’t ngayon lang ninyong dalawa nakuro na mahal pala ninyo ang isa’t isa.

Kung talagang may pagmamahal kayo sa isa’t isa, sana ay hindi na sa ibang babae pa inukol ni Nonoy ang kanyang atensiyon.

Maaari namang nagkahiyaan kayo sa isa’t isa dahil best friend nga ang turingan ninyo.

Dapat sa iyo na magmula ang pag-uusap nang puso sa puso. Hindi nagbubunga ng maganda ang nakaw na pag-ibig lalo na’t mayroon nang anak si Nonoy sa kanyang maybahay.

Ituloy mo na ang paglayo. Baka sakaling makatulong ito sa paglimot sa iyo ni Nonoy at matutuhan niyang humingi ng tawad sa kanyang asawa.

Good luck to you and God bless.

Dr. Love

Show comments