Sa anumang oras na sumakamay ninyo ang liham kong ito, dalangin ko po sa ating Diyos na sana ay nasa malusog kayong pangangatawan gayun din po ang lahat ng staff ng PSN.
Ako po si Jhun, 38 years-old, 56" ang height at kayumanggi ang balat. Mahilig po ako sa basketball, tumugtog ng gitara at kumanta. Wala po akong bisyo.
Matagal na po akong tagasubaybay ng inyong column, gayundin po ang aking mga kasamahan dito sa bilibid. Oo, Dr. Love, isa akong bilanggo dito sa Pambansang Piitan. Ang kaso ko ay homecide at maglilimang-taon na akong nagtitiis dito dahil malayo ako sa aking mga mahal sa buhay.
Binata pa ako nang makulong. Nagmula ako sa Negros Oriental at nagpunta ng Maynila upang maghanap ng trabaho at makatapos ng aking pag-aaral. Dahil sa hirap ng buhay, vocational lamang ang natapos ko (Auto Mechanic).
Nagtatrabaho na ako noon sa isang malaki at kilalang shop sa Maynila. Pero dito rin naganap ang pangyayaring hindi ko inasahan at siyang sumira sa lahat ng mga pangarap ko sa buhay.
Sa tagal po ng pagkakakulong ko dito, palaisipan sa akin kung may papatol pang babae sa akin dahil sa kalagayan ko. Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa, Dr. Love.
Hanap ko po ay babaeng magmamahal sa akin at handang umunawa sa aking sitwasyon. Ipinapangako kong mamahalin siya habang ako ay nabubuhay.
Simple lamang ang babaeng hanap ko at kahit na hindi gaanong kagandahan bastat hindi mapaglaro sa pag-ibig.
Sana po ay matulungan ninyo ako, katulad ng pagtulong ninyo sa iba ko pang mga kasamahan dito. Marami pong salamat.
Jhun Albano, Jr.
NBP, Muntinlupa City 1776
Dear Jhun,
Natutuwa kaming malaman na napakarami ng katulad mo ang sitwasyon ang natutulungan ng column na ito. Tama ka sa pagsasabing napakaraming sumusulat sa ating column na naririyan ngayon sa Pambansang Piitan. At maging sa ating Magsulatan Tayo corner ay napakaraming katulad mo ang nagpapadala ng kanilang mga larawan at address sa hangaring makahanap ng kanilang mamahalin.
Natatandaan ko, may isang bilanggo na sumulat dito sa ating column na natagpuan ang babaeng kanyang mamahalin sa pamamagitan ng Dr. Love column. Hindi inalintana nung babae ang kalagayan ng lalaki. Dumating ang panahon na lumaya ang lalaki at nagpakasal sila at namuhay nang tahinik.
Inanyayahan pa nila akong dumalo noon sa kanilang kasal pero hindi ko nagawa dahil lubhang napakalayo ng kanilang lugar.
Sana ay ganito rin ang maging kapalaran mo. Who knows, hindi ba? Sana ay marami kang maging kaibigan sa panulat at mula sa mga ito ay mapili mo ang babaeng karapat-dapat sa iyo. Good luck and God bless.
Dr. Love