Ang tunay kong pangalan ay Steve Regala, isang Pampangueño. Naging Miss Philippines ang aking ina at nakapangasawa ng pogi. Hindi naging maganda ang pagsasama nila at silay naghiwalay. Dalawa kaming magkapatid at ako ang bunso.
Kumayod ang aming ina para mabigyan kami ng magandang buhay. Naging businesswoman siya. Sa edad kong 13 ay na-exposed ako sa droga at sex. Dito nagsimula ang pagiging durugista ko at babaero. Nagtayo ako ng disco sa Baguio na hubot hubad na sumasayaw ang mga babae. Untouchable ako sa naturang lugar. Kapag may shooting ang mga artista sa Baguio, pinatutuloy ko sila sa aking hotel. Libre na ang upa, may mga babae pa.
Dito ako naengganyong pumasok sa pelikula. Naging director ako ng pelikulang Alapaap noong 1985 na humakot ng anim na awards mula sa siyam na nominations. Sumikat ako dahil dito at lumaki ang ulo ko. Hindi ko tinanggap ang alok ng ibang producers na gumawa ako ng pelikula sa kanila. Ang gusto ko kasi ay ako ang producer at director.
Maraming babae ang dumating sa buhay ko. Kung minsan ay tatlo hanggang limang babae ang kasama ko sa isang gabi. Nagawa ko ito dahil lasing ako sa droga. Hinuli ako at ikinulong dahil sa droga. Pero noong 1990, tumakas ako at pumunta sa US. Pero mas lalo akong nalulong sa droga dahil mas maraming drugs doon. Bumalik ako ng Pilipinas noong 1992.
Isang gabi habang kasama ko ang isang starlet, bigla na lamang lumuwa ang dila ko at nag-iba ang itsura ko. Pumutok ang ulo ko. Tinawag ko ang Diyos at humingi ng tawad. Nawalan ako ng malay at nang magising ay nasa Delgado Hospital na. Paralisado ang kalahating katawan ko.
Isang pastor ang pinapunta sa akin ni Mama at ipinanalangin ako. Sa pagkakataong iyon, tinanggap ko si Hesus bilang sariling Tagapagligtas at Panginoon. Naka-recover ako sa sakit pero nag-backslide naman ako.
Taong 1996, bumalik na naman ako sa droga at babae. Tatlong beses akong na-stoke pero binuhay pa rin ako ni Lord. Ngayon, talagang isinuko ko na ang buhay ko sa Kanya. Nag-aaral ako ngayon para maging pastor at sa susunod na taon ay matatapos na ako. Binago ako ng Panginoon kahit na gaano pa ako kasama.