Kailangan ko siya

Dear Dr. Love,

Kumusta po sa inyo at more power sa inyong column. Matagal ko na pong gustong sumulat sa inyo pero ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na magdulog ng aking problema.

Inaasahan ko pong sa pamamagitan ng malaganap ninyong pahayagan ay makarating sa lumayo kong kabiyak na nagsisisi na ako sa mga pagkakasalang nagawa ko sa kanya.

Pagkaraan ng halos limang buwang pag-aalsa balutan ni Cora, nakita ko ang mga maliliit at malalaking pagkakamali ko sa buhay at pagkukulang ko sa kanya at sa aming anak.

Kailangan ko po si Cora dahil mula nang umalis siya nang walang paalam, parang nagmistula ng sementeryo ang aming tahanan. Nawalan na ako ng direksiyon sa buhay. Sa unang pagkakataon, naamin ko sa sarili ko na isang malaking kakulangan sa buhay ko ang pag-alis ng aking kabiyak.

Nagsisisi na po ako. Hindi ko na nais na balikan sa isip ang mga nagawa kong pagkukulang sa aking asawa. Inaamin kong nagkamali ako.

Sana po, mabasa niya ito dahil ang lahat kong mga sulat na tinangkang ipadala sa kanya, gayundin ang mga pasabi, ay tinatanggihan niya.

Nahihiya po ako sa mga maling nagawa ko sa buhay.

Gumagalang,
Eric

Dear Eric,


Malimit na ang kahalagahan ng isang tao ay nakikita lang kung wala na siya sa buhay mo.

Kung talagang mahal mo ang iyong kabiyak at pinagsisisihan mo ang lahat ng nagawa mong kasalanan sa kanya, hindi mo sana pagsasawaang hingin ang kanyang kapatawaran.

Pasasaan ba’t makikita rin niya na kailangan ka pa rin niya tulad ng pangangailangan mo sa kanya.

Kung sa ngayon ay tumatanggi siyang makita ka o tanggapin ang sulat mo, huwag ka na munang magpilit dahil sariwa pa ang sugat sa puso niya.

Bakit hindi ang mga magulang niya ang ligawan mo uli para mapadali ang pagbabalikan ninyong dalawa?

Sana ay samahan mo ng hinahon at tiyaga ang panliligaw mo uli sa iyong asawa.

Dr. Love

Show comments