^

Dr. Love

Biktima ng playboy

-
Dear Dr. Love,

A pleasant day to you. Hope you are in good condition. First time ko pong sumulat sa inyo at sana ay mailathala ang liham kong ito. Araw-araw po kaming bumibili ng PSN dahil ito po ang gusto ng amo ko. Kaya naman nakasanayan ko na ring basahin ang inyong column tuwing umaga. Marami kasi akong natututunan sa mga payo ninyo lalo na kapag pareho kami ng sitwasyon ng letter sender.

Tawagin na lamang ninyo akong Lanie, 20 years-old. Ang boyfriend ko ay si Noel, 23 years-old. Nagsimula ang aming relasyon nang bumalik ako dito sa Maynila matapos akong magbakasyon. Nagkakilala kami sa barko kung saan siya nagtatrabaho.

Alam ko pong hindi seryosohan ang pakikipagrelasyon ng mga taga-barko kaya sinakyan ko na lang siya tutal pababa na rin ako kinabukasan. Pero hindi ko akalain na ihahatid niya ako. Sumama siya sa akin at ipinakilala ko naman siya sa amo ko. Pinagtapat ko rin sa kanya ang trabaho ko at ang sabi niya ay tanggap naman daw niya ako basta huwag lang akong magbabago at maging matatag lang daw kami.

Sa tuwing nandito siya sa Maynila, tinatawagan niya ako, tini-text o di kaya ay lumalabas kami. Masaya siyang kasama at hindi mahirap mahalin kaya unti-unting nahulog ang loob ko sa kanya. Minahal ko na rin siya at parang ayaw ko nang humiwalay sa kanya.

Umabot nang dalawang buwan ang relasyon namin kahit na dalawang beses lang sa isang buwan kung magkita kami. Kung minsan ay hindi pa. Maraming nagsasabi na kalimutan ko na siya dahil iba-iba raw ang mga babae ng mga taga-barko. Pero hindi ko sila pinapansin dahil sa kanya ko lang naranasan ang unang pag-ibig. Mahal ko rin siya kaya may tiwala ako sa kanya.

Noong tatlong buwan na ang aming relasyon, tuluyan na akong nahulog sa bitag niya. Sabi niya ay pakakasalan naman daw niya ako. Pero tumanggi ako. Gusto ko siyang makasama pero hindi pa ako handang pakasal.

Mula noon ay bigla na siyang nagbago sa akin. Hindi na siya tumatawag, nagte-text o nagpapakita. Palagi ko rin siyang kino-contact pero wala akong matanggap na response sa kanya.

Nasaktan ako sa ginawa niya. Walang natupad sa mga pangako niya pero patuloy ko pa rin siyang minamahal. At hindi ko alam kung bakit gayong wala naman sa kanya ang mga gusto ko sa isang lalaki.

Lubos na gumagalang,

Lanie ng Parañaque City


Dear Lanie,


Ang iyong nararamdaman ay tinatawag nilang infatuation o pagkahumaling. Hindi naman lahat ng mga taga-barko ay hindi seryoso sa kanilang nakakarelasyon. Marahil, itong natagpuan mo ay isa sa mga kalalakihan na naghahanap ng sari-saring bulaklak na kanyang dadapuan.

Sa kasamaang palad, isa ka sa kanyang mga naging biktima. Masakit o mahirap ang lumimot sa isang minamahal pero sa isang katulad ng lalaking ito, dapat pa ba siyang pag-ukulan ng panahon?

Bata ka pa Lanie at hanapin mo ang lalaking muling makakapagpatibok ng iyong puso. Huwag kang manghinayang na nawala sa iyo ang lalaking hindi mo lubusang kilala. Imulat mo ang iyong mga mata sa larangan ng pag-ibig.

Dr. Love

AKO

DEAR LANIE

DR. LOVE

KANYA

LANIE

NIYA

PERO

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with