Bawal ba ang aming relasyon?

Dear Dr. Love,

A pleasant day to you and all the staff of PSN.

Isa po ako sa libu-libong tagasubaybay ng inyong column na talaga namang kapupulutan ng aral.

Ako nga pala si Liezel, 21 years-old. Sumulat po ako sa inyo para ihingi ng payo kung ano ang nararapat kong gawin sa aking problema sa pag-ibig.

Boyfriend ko ang kapatid ng hipag ko at marami ang tutol sa aming relasyong ito dahil hindi raw magandang tingnan. Asawa ng kapatid ko ang kapatid ni Roger.

Nagsimula kaming magkakilala nang sumama ako sa kuya ko para magbakasyon sa probinsiya ng asawa niya. Doon ko nakilala si Roger. Masayang-masaya kami. Tinuruan pa niya akong magmaneho ng motor. Nagtapat siya ng pag-ibig at hindi ko na pinatagal ang ligawan dahil mahal ko naman sjya at kapwa naman kami walang pananagutan sa buhay.

Nagkaroon lang ng problema ang relasyong ito dahil sa pagtutol ng aming mga paryentes dahil pangit nga raw tingnan na ang bf ko ay kapatid ng aking sister-in-law.

Ang gusto po ni Roger ay ipagpatuloy namin ang aming relasyon dahil nagmamahalan naman kami pero gawin lang daw namin itong sikreto.

Si Roger ay nagpasyang magtrabaho sa abroad pero kahit malayo kami sa isa’t isa, walang magbabago sa aming pagtitinginan.

Kailangan ko po ang advice ninyo. Ang sabi nila, huwag na daw naming patagalin pa ang relasyong ito kung masasaktan din lang kami kapwa.

May kahahantungan ba ang relasyon namin? Bawal ho ba ang ganitong klaseng relasyon?

Umaasa,
Liezel


Dear Liezel,

Wala akong nakikitang bawal sa pakikipagkaibigan mo kay Roger kahit pa kapatid ito ng hipag mo. Wala namang direktang relasyon sa dugo si Roger sa pamilya mo kaya’t hindi delikadong magkaroon ng epekto ito sa magiging anak ninyo sakali’t kayo nga ang magkatuluyan.

Baka naman may ibang tinututulan ang mga kamag-anak ninyo kung kaya’t inaayawan nila ang relasyon ninyo?

Kung nagmamahalan kayo, hindi naman ito bawal matangi lang kung may nalalaman kang panloloko o pandaraya sa iyo si Roger.

Alamin mo rin kung walang sapat na basehan ang pagtutol nilang ito.

May pagtutol din ba sa relasyon ninyo ang pamilya ni Roger?

Sana, mapatunayan ninyong dalawa na walang dapat ipangamba ang pamilya ninyo sa pag-iibigan ninyo ni Roger.

Kung tapat kayo sa isa’t isa at nagmamahalan, walang masama kung ibigin mo man ang kapatid ng hipag mo. Hindi mo naman siya kadugo kundi kapamilya lang dahil sa affiliation.

Dr. Love

Show comments