Kumusta na po kayo? Sana ay lagi kayong nasa mabuting kalagayan at malayo sa anumang karamdaman at kapahamakan.
Dr. Love, mayroon po akong nobya. Nasa Japan siya at nagtatrabaho. Hindi ko po alam kung ano ang trabaho niya doon.
Bago ako nadala sa kinaroroonan ko ngayon ay nagkausap pa kami at sinabi niyang huwag akong mag-alala dahil hindi naman daw siya magtatagal doon. Dahil nga sa mahal ko siya at may tiwala naman ako sa kanya, ang akala ko ay babalik siya at dadalawin ako dito sa Camp Sampaguita.
Pero nagkamali ako. Isang araw ng Linggo, nang dumalaw ang mother ko, ipinagtapat niya sa akin na ang aking nobya ay nagpakasal na sa isang Hapon.
Masakit na masakit para sa akin ang ginawa ng nobya ko dahil tatlong taon din naman ang pinagsamahan namin at ang masakit pa nito, nakulong ako dahil sa nakapatay ako ng tao dahil sa pagtatanggol ko sa kanya.
Nagkamali pala ako ng minahal at pinagtiwalaan ko.
Ngayon ay limang taon na ako sa kulungan. Malungkot na malungkot dahil wala man lang nagmamahal at ang tanging dumadalaw sa akin ay ang aking ina at bunsong kapatid na babae na siyang nagbibigay ng suportra sa akin upang ako ay maging matatag at matapang sa lahat ng pagsubok na dumarating sa buhay.
Umaasa po akong mabibigyan ninyo ako ng advice sa problema ko at sana ay magkaroon ako ng maraming kaibigan sa panulat.
Puwede po ninyong ilathala ang buo kong pangalan at address upang may sumulat sa akin. Ang buo kong pangalan ay si Joei Cardeno, 27, ng MSC Building 2 Dormitory 239, Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776.
Maraming-maraming salamat sa inyo at sana ay marami pa kayong matulungan.
Gumagalang,
Joei Cardeno
Dear Joei,
Maraming mga pangyayaring dumarating sa ating buhay na hindi man natin gustuhin ay nagaganap dahil na rin sa ating kahinaan at ito ang pinili nating gawin dahil sa pagkakamali sa pagpili ng landas na tatahakin.
Subalit ang mga kamaliang ito ay naitutuwid kung mayroon tayong tatag ng loob para magbago at makahingi ng kapatawaran sa Maykapal.
Huwag mo nang masyadong ipagdamdam ang pagtalikod sa iyo ng dati mong nobya kahit pa nga siya ang dahilan kung bakit ka nakakulong ngayon.
Matuto mo sana siyang patawarin tulad din ng pagpapatawad ng Diyos sa iyong mga naging pagkakasala.
Sana ay maging leksiyon sa iyo ang nangyari para sa tuwina ay matutuhan mong panatilihin lagi ang kahinahunan at iwasan ang init ng ulo na siyang pinagmumulan malimit ng gulo sa buhay.
Kahit saan ka man naroroon ngayon, matutuhan mong iangkop ang sarili at magsikap na makaahon para mapabilis ang paglaya mo.
Magdasal ka lagi at magpakabuti.
Hangad ko ang pagkakaroon mo ng maraming kaibigan sa sandaling matunghayan nila ang liham na ito.
Dr. Love