Kailangan pa bang magpakipot?

Dear Dr. Love,

Hi! Lagi ko pong sinusubaybayan ang column ninyo at tunay na enjoy akong magbasa ng mga payo ninyo sa mga tinatanggap ninyong problema sa puso.

Tawagin na lamang ninyo akong Aquarius Girl, 19 years-old at wala pang experience sa pagkakaroon ng boyfriend.

May nagkakagusto naman po sa akin kaya nga lang ay takot akong sagutin sila dahil baka masaktan ako tulad ng karanasang sinapit ng kaibigan ko.

Hindi naman po ako talagang pihikan sa lalaki. Talaga lang pong wala pa akong balak na makipagrelasyon kahit kanino hanggang sa biglang dumating sa buhay ko ang isang lalaki na hindi ko na babanggitin ang pangalan.

Sinabi niya sa akin na manliligaw siya pero parang nadadalian naman ako sa proseso. Siyempre, hindi ko siya agad sasagutin at medyo magpapakipot ako ng kaunti.

Naguguluhan ako sa sitwasyon at sa sarili ko. Tulungan po ninyo ako.

God bless you at sa lahat ng staff ng PSN.

Lubos na gumagalang,
Aquarius Girl


Dear Aquarius Girl,


Salamat sa liham mo. Medyo natagalan nga ang kasagutan dahil marami pang nakapilang ilalathala ang aming pasulatan.

Alam mo, normal lang naman na magkaroon ka ng pag-aalala sa maagang pakikipagrelasyon ng isang babae at lalaki, lalo na’t unang karanasan pa lang.

Subali’t kailangang bago mo sagutin ang isang lalaki, alamin mo kung talagang mahal mo nga siya at hindi dahil sa pagnanais lang na magkaroon ka ng boyfriend.

Paano ba nalalaman na mahal mo ang isang lalaki?

Kung nagtataglay siya ng mga katangiang hanap mo sa isang tao not necessarily dahil sa mga katangiang pisikal at pinansiyal.

Kailangang magkatugma ang inyong ugali.

Ngayon, kung ang ikinatatakot mo ay ayaw mong maranasan ang pagkabigo ng iyong kaibigan sa pag-ibig, ang kapalaran ni Maria ay hindi kapalaran ni Juana, kung alam mo ang ibig kong sabihin.

Hindi naman ibig sabihin ay kapag nagkaroon ka na ng boyfriend ay siya na ang mapapangasawa mo. Ang pagtatagal ng inyong relasyon ay nasa mahusay na pagsusunuran at malaking punto riyan ay sa husay ng pagdadala ng isang babae.

Ang pagtatagal ng samahan ay hindi nangangahulugan na ibigay mo nang lahat-lahat ang sarili mo sa isang lalaki. Kailangang ingatan mo ang iyong sarili at irerespeto ka ng boyfriend mo sa paniniwalang ito.

Good luck to you and may God bless you.

Dr. Love

Show comments