Unti-unting nawala ang pag-ibig ko sa asawa ko. Lumalaki na ang aming mga anak gayundin ang aming gastos sa araw-araw. Dahil may kaya ang mga magulang ng asawa ko, sinusuportahan na lang nila kami. Tumutulong din sa amin ang kanyang kapatid na nasa Italy. Pinadadalhan na lang nila kami ng pera buwan-buwan.
Tinutulungan din kami ng mga magulang ko. Napag-isip isip ko na hiwalayan ko na lang siya. Dahil wala ngang trabaho, lasenggo pa siya. Naging iresponsable siya. Kundi lang sa payo ng kanyang kapatid na isang Born-Again Christian at ng asawa niyang pastor, matagal ko nang hiniwalayan ang asawa ko.
Isang araw, inanyayahan ako ng kapatid kong si Wing na sumama sa isang Bible study sa kapitbahay ng mga magulang ko sa Village East, Cainta. Sa gawaing ito, ipinanalangin ng isang counselor ng Christ, the Living Stone Fellowship (CLSF) na makapagtrabaho na ang asawa ko. Mula noon, palagi na akong dumadalo sa gawaing ito kasama ang kapatid kong si Wing.
Lumipas ang dalawang buwan, nag-apply ang aking asawa sa isang kompanya sa Makati City bilang driver. Dahil tapos siya ng Auto- Mechanic at marunong mag-drive, natanggap siya. Nagsimula na siya noong nakaraang linggo. Alam ko na ang panalangin ng CLSF counselor ang ginamit ng Panginoong Hesus upang dinggin ang hinaing ng puso ko na makapagtrabaho ang asawa ko. Purihin si Hesus! Mabel ng Cainta