Hinahanap kita

Dear Dr. Love,

Bayaan mong batiin muna kita ng isang masaganang pangungumusta at sana ay lalo pang lumaganap ang inyong column at pahayagan.

Ako po si Ella, taga-Samar at namamasukan bilang isang maid dito sa Maynila.

Ako po ay may dalawang anak na iniwan ko sa aking ina sa probinsiya namin para maghanapbuhay at tuloy ay hanapin ang aking live-in partner na umalis at iniwan kami ng kanyang mga anak.

Hindi ko po alam kung saan ko hahanapin si Mars at alamin sa kanya kung totoo nga ang balitang nag-asawa na siya.

Hindi po kami kasal ni Mars at sa hindi malamang dahilan ay naglayas na lang sa amin para maghanapbuhay sa Maynila.

May tatlong taon na mula nang umalis siya at kahit ni minsan ay hindi siya sumulat o nagbigay man lang ng sustento sa kanyang mga anak.

May nakapagsabi sa akin na nagpakasal na raw ito sa iba at ang naging asawa raw nito ay namamasukan sa abroad.

Hanggang ngayon ay mahal ko pa rin siya. Kung tunay ngang may legal na siyang asawa, ang hangad ko lang ay tapatin niya ako at bigyan niya ng sustento ang kanyang mga anak sa akin.

Sana ay matulungan ninyo ako sa aking problema.

Gumagalang,

Ella


Dear Ella,


Mahirap maghanap sa isang nagtatagong lalaki para makaiwas sa obligasyon.

Huwag mo nang hangarin pang hanapin siya at ang pag-ukulan mo na lang ng pansin ay ang paghahanapbuhay para masustentuhan ang iyong mga anak.

Kung talagang mahal ka niya at ang inyong mga anak, babalikan ka niya dahil alam naman niya kung saan kayo hahanapin.

Maaaring nagsawa na rin siya sa kanyang obligasyon sa inyo at kaya naghanap ng ibang babae ay para gumaan ang kanyang responsilibidad sa buhay.

Manalangin ka na sana ay makayanan mong maidaos ang pagpapalaki sa dalawa mong mga anak nang walang tulong sa dati mong live-in partner. May mga lalaki talaga na kapag nagsawa na sa hirap ay naglalayas at hahanap naman ng ibang makakatulong sa kanya.

Kayanin mong mag-isa ang paghahanapbuhay. Ipakita mong may kakayahan kang maging ina at ama ng iyong mga anak.

Huwag kang makakalimot sa pagtawag sa Maykapal at sana ay pagbutihin mo ang iyong trabaho.

Dr. Love

Show comments