Hindi ko alam kung may crush siya sa akin

Dear Dr. Love,

Good day to you!

Ito po ang una kong liham sa inyo at sana po ay bigyan ninyo ako ng magandang advice sa aking munting problema.

Tawagin na lamang ninyo akong Angel, 17 years-old. Mayroon po akong crush - - si Lou Jake. Dalawang taon ko na po itong nararamdaman.

Noon, malimit ko siyang nahuhuli na nakatitig sa akin at ganoon din ako sa kanya. Ang sabi ng friend ko, crush ako ng lalaking ito. Pero hindi naman ako umaasa na liligawan niya ako.

Noon iyon. Nasa high school pa lang kami noon pero ngayon ay nasa college na siya.

Ang akala ko ay sa friend ko siya may crush at hindi sa akin.

Pero nagulat ako nang mag-text sa akin ang friend ko at sinabing may gusto talaga sa akin si Lou Jake.

Pero ngayong nasa college na siya, hindi ko na siya nakikita. Miss na miss ko na nga siya lalo na ang smile niya.

Bagaman lagi siyang laman ng isip ko, nangangarap akong balang araw ay maging boyfriend ko siya. Hindi ko naman pinababayaan ang pag-aaral ko dahil lang sa kanya.

Sana po ay mabigyan ninyo ako ng payo. Dapat ko bang asahan na liligawan niya ako? Hindi ko alam kung talagang crush nga niya ako.

Angel


Dear Angel,


Mabuti naman at kahit na may crush ka ay hindi mo pinababayaan ang pag-aaral mo.

Alam mo iha, talagang ang crush ay hindi permanente. Ito ay isang uri lang ng paghanga at madali ring mawala.

Hindi masama ang humanga sa isang lalaki pero huwag mong ibuhos ang sarili sa kaiisip tulad na nga ng ginagawa mo. Ngayong hindi na kayo nagkikita ng crush mo, maaaring ang pinagkakaabalahan din niya ay ang pag-aaral niya.

Ganoon na lang ang gawin mo. Kung talagang kayo ay para sa isa't isa, darating siya nang hindi mo kailangang isipin at hanapin.

Makipagkilala ka rin sa ibang lalaki para naman may makilala kang iba na puwede mong pagpilian sakali't dumating ang panahong gusto mo nang makipag-boyfriend.

Dr. Love

Show comments